Halo Halong Pinoy

Sunday, April 24, 2011

John Gabriel P. Pelias Valedictory Address UP Diliman 2011

Valedictory Address
John Gabriel P. Pelias
Summa Cum Laude, BS Mathematics
UP Diliman
April 2011
Your Excellency Benigno Simeon Aquino III, President of the Republic of the Philippines, respected Secretaries of the President’s Cabinet, distinguished members of the Board of Regents, UP President Alfredo Pascual, Former Presidents of the University present here today, UP Diliman Chancellor Caesar Saloma, beloved sisters of the President Maria Elena Cruz, Aurora Corazon Abellada, and Victoria Eliza Dee, respected officials of the University, faculty and staff, friends, guests, mga minamahal naming mga magulang, mga kasama kong magsisipagtapos ngayong araw na ito, magandang hapon.


Ngayon ay araw ng pagtatapos, araw na dinadakila ng lahat nating mga estudyanteng nagtiis at nagsumikap sa loob ng tatlo, apat, lima o higit pang mga taon.  At paano nga namang hindi natin hihintayin ang araw na ito? Inihuhudyat ng araw na ito ang pagwawakas ng ating paghihirap sa loob ng kolehiyo at pagsisimula naman ng isang bagong kabanata sa ating buhay. Tapos na ang maliligayang araw ng beynte porsyentong diskuwento sa pasahe; simula na ng paghahanap ng trabahong pagmumulan ng ikabubuhay sa araw-araw.

Yaman din lamang at ang lahat ng gradweyt na natitipon dito ngayon ay hahakbang na patungo sa mundo sa labas ng Unibersidad, magandang tanungin natin sa ating mga sarili: Ano ang pinakamaipagmamalaki ko bilang gradweyt ng UP? Anong aspekto ng kultura ng UP ang maipagyayabang ko na wala sa iba?  Tiyak kanya-kanya tayo ng isasagot sa tanong na ito, ngunit sigurado rin naman akong marami ang sasagot ng katulad ng sa akin: Iba sa UP dahil sinanay ako hindi lamang bilang estudyante, kundi bilang ordinaryong mamamayan na rin ng Pilipinas. Sa pagpila pa lang sa pagbabayad ng tuition fee, ramdam na kung ano ang nangyayari sa tanggapan ng gobyerno.  Dahil iba-iba ang nagiging kaklase sa bawa’t subject, alam na kung paano makikitungo kahit papaano kapag nasa mas malaking mundo.

Higit sa lahat, sinanay tayo ng Unibersidad kung paano tumugon sa pagsubok. Napatunayan ko iyan noong gawin ko ang unang bersyon ng talumpating ito. Dahil sa isang munting aberya hindi ko agad nalaman na simula na pala ng pagpili ng magtatalumpati sa ngalan ng lahat ng mga gradweyt. Nalaman ko lang ang tungkol sa bagay na ito kung kailan araw na mismo ng pagpili. Mabuti na lang at natandaan ko pa ang Comm 3 ko, kaya nakabuo pa rin ako ng talumpati kahit maigsing panahon lang ang nakalaan sa akin. Isa iyan siguro sa magagandang aspekto ng kulturang UP: ang kakayahang umangkop kahit sa gipit na sitwasyon at tumugon sa mga pagsubok kahit kailan, kahit saan. Animo’y boy scout, tuwina’y “laging handa”. Kita ninyo’t kinakaya natin ang nagsasabay-sabay na mga requirements sa iba’t ibang mga subject. Kita ninyo’t nakakapagpasa tayo ng final paper kahit halos deadline na ng submission. Kita ninyo’t nairaraos natin ang long exam kahit isang gabing pag-aaral lang ang inilalaan natin.

Iyan nga ang tatak UP.  Hindi ang pagiging “master crammer/procrastinator” kundi ang pagiging laging handa sa mga pagsubok habang taglay ang talino’t husay sa pagsuong sa buhay-estudyante.

Pagkatapos ng araw na ito, sa paglisan nating mga gradweyt sa institusyong matagal na ring kumupkop at humubog sa atin, mapapabilang na rin tayo sa mga mamamayan, sa mga manggagawang nagtataguyod ng kani-kanilang sarili o pamilya. Oo, mararanasan natin kung paano maghanap ng trabaho, kahit sabi nga ng nakararami madali tayong makakakuha nito dahil gradweyt tayo ng UP. Gamit ang diploma, ang mahiwagang sandatang kaloob sa atin ng unibersidad bilang kanyang mga gradweyt, tayo’y kikita marahil ng sapat o higit pang salapi.  Marami sa atin ang yayaman. Mairaraos natin ang ating mga buhay.

Salamat sa diploma at edukasyon sa UP, mamumuhay tayong panatag, walang alalahanin, at nakaririwasa.  Ang galing, hindi ba?  Magkakabunga rin pala ang mga pagpupuyat at pagpila sa mga subject na hindi nakuha sa CRS.

Ngunit ito nga lang ba ang pagsubok na dapat nating harapin pagkatapos ng araw na ito, ang paghahanap at pagpapanatili ng trabahong magpapayaman sa ating mga sarili? Ito ba ang layunin kung bakit tayo sinanay nang husto sa unibersidad? Ito lang ba ang dahilan kung bakit sa UP tayo nagtatapos ng pag-aaral?

Higit pa sa pagsubok na bunga ng ating pag-aasam unang mariwasa’t panatag na pamumuhay ay ang paghamong laan sa atin ng bayan bilang mga naging mag-aaral ng unibersidad na sa kanya ipinangalan: Unibersidad ng Pilipinas at sa tawag sa atin “Iskolar ng Bayan”.

The bigger and more significant challenge to overcome is our responsibility to contribute to society as products of this nation’s premier state university, which may involve sacrificing our dreams of extravagant ways of life that ironically might have motivated us to work hard in our college education. The true challenge is to be able to use the critical thinking skills and knowledge we learned through UP education in solving the problems haunting the bigger world outside the university.

After this day, we become part of a larger society, a larger world and being UP graduates, that does not only mean living just our own everyday lives without regard for society’s quandaries. We cannot confine ourselves in our own boxes, departments, institutes, colleges and even in the University away from society. 

Ang layunin ng edukasyon sa UP ay hindi lamang ang pagkuha ng magandang trabaho, kundi ang paggamit nito sa hinaharap tungo sa ikasusulong ng lipunan, ng bayan, bilang kanyang mga iskolar. Kaya nga natin kinailangang kumuha ng GE subject na sa tingin natin noon ay hindi kailangan. Iyon ay upang tayo’y mahubog sa isang edukasyong nagkakanlong sa lahat ng kagalingan bukod sa ating mga larangan, sa layong mamulat tayo sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan at magamit natin ito sa pagharap sa higit na matinding pagsubok kalakip ang paglilingkod sa bayang ginuguho ng korupsyon, pagkakawatak-watak, at problema sa ekonomiya. Sukat na lang bang iiwan natin ang bansang nagtaguyod ng ating edukasyon sa kolehiyo, para sa mas marangyang buhay marahil sa ibang lupain? Hinubog tayo hindi upang maging mahusay para lamang sa ating mga sarili, kundi para maglingkod sa bayan. Ito mismo ang dahilan kung bakit naiibang Unibersidad ang UP. Ito mismo ang dahilan kung bakit tayo sinanay na humarap sa mga krisis at pagsubok. At ito rin ang habambuhay kong tatanawing dahilan kung bakit ko ipagmamalaki na ako’y gradweyt ng UP.

Ako po’y nagpapasalamat sa aking lolo’t lolang tumayong mga magulang ko, sa kanilang walang humpay na pagkalinga sa akin mula pagkabata.

Salamat sa aking mahuhusay na mga propesor na sina Dr. Jose Maria Balmaceda, Dr. Marian Roque, Dr. Fidel Nemenzo, Dr. Noli Reyes, at Dating Pangulong Dr. Francisco Nemenzo, na sila namang tumayong aking mga pangalawang magulang at inspirasyon habang nasa unibersidad.

Salamat din sa iba pang naging mabubuting impluwensiya sa akin sa loob at labas ng aming dinadakilang Surian, tulad nina Dr. Josefina Almeda, Ginoong Jerwin Agpaoa, Dr. Augustus Mamaril, at Dr. Julius Basilla.

Salamat sa aking guro sa matematika noong ako’y nasa unang taon ng hayskul, si Bb. Dinah Lizza Gutierrez, na siyang aking naging unang inspirasyon upang lalong magpakahusay sa larangang aking napiling pagkadalubhasaan.

Salamat din sa aking mga naging guro sa elementarya at hayskul na silang unang humubog sa akin bago sumabak sa buhay-UP.

Salamat kay Atty. Kit Belmonte at sa kanyang mga kawani at sa pamilya Feliciano sa kanilang pagtulong sa pagsuporta sa aking pag-aaral sa Unibersidad, sa paraang legal at pinansyal.

Salamat din sa mga mapag-unawang mga kawani ng Unibersidad, na marahil ay aking nagambala nang ako’y kumukuha ng TCG, nagre-renew ng scholarship, o nag-aasikaso ng kung anupamang requirement ng Unibersidad.

At syempre, salamat lalo sa aking mga naging kaklase’t kaibigan magmula elementarya hanggang kolehiyo, na palaging nagpaalala sa akin na ako’y tao rin, na ang buhay ay di lamang nakaukol sa pag-aaral, na may mga mahahalagang aral na hindi napupulot sa mga silid ng gusali ng UP.

In the end, no authentically noble reason can justify our dreams of living glamorously in the face of utter poverty in our country. The least we can do in return to this country’s taxpayers who paid a huge part of our UP education is to dedicate even just some time of our lives in the service of the Filipino people. We remember the two eminent words we always find on the cover of our blue books: Honor and Excellence. UP education shouldn’t be just about academic excellence. It’s also about how one achieves them and how one applies them. Habang nasa loob ng Unibersidad, ang “laude”, “honor”, o “dangal” na akademiko ay maaring mangahulugang pagkamit ng uno nang walang pandaraya at may buong pagsisikap. Samantala sa ating paglabas sa unibersidad, ang “dangal” ay nangangahulugang paggamit ng mga unong ito sa paraang walang dinaraya at niyuyukurang pagkatao at tungo sa ikauunlad ng sambayanan.

Alam po ninyo ako po’y hindi ipinanganak na mayaman. Marami akong hinarap na pagsubok na pinansyal, bukod pa sa mga pagsubok na akademiko. Ako po’y nakapag-aral lamang dito sa unibersidad sa pamamagitan ng scholarship, paminsan-minsang pagtututor, at sa tulong ng ilang taong malapit sa akin.  Pinalipas ko na lang siguro ang problema sa pakikipaghalakhakan sa mga kaklase, panood ng telebisyon, pagtugtog ng piano, at pagsulat ng mga kwento.  Ngayong magtatapos na ako bilang summa cum laude, marami akong maaaring puntahang kompanya kung saan madali lamang ang yumaman.  Ngunit sa kabila ng hirap na dulot marahil ng aking estadong pinansyal, ito lamang po ang aking masasabi: itutuloy ko pa rin ang aking balak na magturo sa aming Surian.  (Kung tatanggapin. Sana naman!) Ito ang maliit na ambag ko at sana’y malaki ang maging bunga nito.

Sa pagpasok ng bagong pamunuan ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman sa pangunguna ni Pangulong Pascual at Chanselor Saloma, tulad sa anumang pagpasok ng isang bagong administrasyon, ako’y tumatanaw sa isang maliwanag na hinaharap: isang hinaharap kung saan mas marami pang mga gradweyt ang tutugon sa hamon ng bayan sa kanyang mga iskolar.  Kayo, mga kapwa ko iskolar ng bayan, paano kayo tutugon?

Maraming salamat at mabuhay tayong mga bagong gradweyt ng Unibersidad!  Mabuhay ang ating mga magulang, mga guro at pamunuan ng ating mahal na Pamantasan!

No comments:

Popular Posts