Halo Halong Pinoy

Monday, January 4, 2016

Aurelio : First Filipino made sport car (Specs,Photo and video)

Supercars are mostly dominated by Italian, USA and Germany car manufacturer but this 2016, super car made by Filipinos will be release in the market.


The Aurelio has two engine choices, and although they may not compete with the engine performance of traditional supercars made abroad, the Honda B16A V-TEC engine (found in the old Honda Civic Si) and the 2.0 liter Mitsubishi 4G63T turbocharged engine can still pack a punch. The Mitsubishi engine delivers up to 457 horsepower for the Aurelio, capable of propelling the car to a top speed of nearly 290 kilometers per hour and can run a quarter of a mile in under 10 seconds. The car is made of both carbon fiber and fiberglass and is equipped with 18-inch Rota wheels and uses a VR4 front and rear suspension.



Table of Aurelio specs


Doors2
Seats2
Engine2.0 liter Mitsubishi 4G63T turbocharged
Horspower457 hp
Top speed290 kph
0-100 kphunder 10 seconds
Tires18-inch  ROTA
SuspensionVR4 (front and rear)
PriceP1.6 million

Aurelio is manufactured by Factor Aurelio Automobile  based in San Pedro, Laguna. The company takes its name after the surnames of Kevin Factor, an engineering student at Adamson University and the designer of the still-unnamed car, and Brendan Aurelio, the owner of Pacita Fibertech and the vehicles' architect and builder.





Sunday, November 22, 2015

My Bebe Love full official trailer

My Bebe Love #kiligPaMore is the most awaited movie of the year starring the most phenomenal love team "aldub".


This is the official trailer of Metro Manila Film Festival entry My Bebe Love starring Vic Sotto, Aiai Delas alas, Alden Richards and Maine Mendoza.





Thursday, August 6, 2015

Paul Hudson's NEVER let her go if you can say these 11 things about her..



NEVER let her go if you can say these 11 things about her..(things to know a guy must read :P)
by Paul Hudson

Occasionally, we meet a woman who turns out to be the one we’ve been looking for our whole life — the woman of our dreams. Such encounters are often completely unexpected. Nevertheless, they change us forever.

Nature made us in such a way that two contrasting halves can become a perfect whole. The search for that other half often turns out to be an arduous journey. But believe me, you’ll know you’ve found her if you can say these 11 things about her. And if you’re lucky enough to find that single, perfect flower out there in the desert, hold on to her as strongly as you can; never let her go.


She’s supportive


Every man needs a woman who has the wisdom to help him get through life successfully. It’s often said that behind every great man stands an even greater woman, and this is true. Without a woman, a man can sometimes be little more than an egoist. A woman will bring meaning and direction to his life, and make him wiser.


She’s beautiful


Beauty lies in the eye of the beholder. If she’s the most beautiful woman you’ve ever seen — according to your taste, and no one else’s — then hold on to her. There are people who pay too much attention to someone’s physical appearance, and there are those who, perhaps in reaction to this, have revolted against the very idea that external beauty is important at all. Yet human beings have reveled in each other’s beauty as long as they’ve been able to see, and they shouldn’t feel ashamed to do so. But only if we recognise that, whilst it’s important, it’s not the most important thing we should value in someone.


She’s kind and attentive


If a woman isn’t kind at heart, then what meaningful place can she really have in your life? It almost goes without saying that the love of your life should be someone who looks after you, in every sense of the word.


She’s energetic


Sometimes, life is complicated. Sometimes, it can be boring and monotonous. Women aren’t there just to distract men from all this. Nevertheless, it’s more likely than not that you’ll feel a great deal happier with a woman who is energetic, lively and looking for adventure.


She loves you to the bottom of her heart


This is without question the most important thing. When a woman loves someone, she loves them with all her heart, dedicating herself entirely to them. If you find a woman who genuinely loves you, then you’ve found the most precious treasure the world can offer you.


She knows how to compromise


Everyone can be stubborn. Often we’re satisfied with the way things are, and aren’t especially open to the idea that something needs to change. Of course, finding a woman who’s ready to compromise is only half the battle — you have to be ready as well. A successful relationship is built on compromise, and you have no choice but to accept this if you want it to last.


She makes you feel that you’re in the right place


You know you’re in love with someone when you feel that you’ve found your own unique place in this world, as if for the first time in your life. You’re where you should be, and you don’t need anything or anyone else. If you see your own soul reflected in her eyes, then you’re home, at last. Why on Earth would you leave?


She’s more than happy to tell you when you’re wrong


Every man needs a woman who will let him know when he’s acting foolishly. Guys have this strange ability to make the wrong decisions and do really stupid things. When you find that woman who keeps you on the right track and tells you when you’re wrong, you’re life can only get better — even if you sometimes find it frustrating.


She has strength of character


All of us are looking for someone who fits our own idea of the perfect woman, but in every case this means some combination of strength and feminity. A woman with strength of character is exactly what every man needs. And one that expresses her feminity in whichever way she chooses is...well, also ideal. These two qualities are not contradictory; in fact they can be combined in an ideal way.


She’s passionate


A life filled with passion is the only one worth living. To feel the fire of passion within and have no one to express it to is impossible to bear. Passion only works when it’s expressed between two people. And if she doesn’t have this, then chances are your relationship is lacking something vital.


She means everything to you


Very often, when we fall madly in love with someone, we can’t explain why. The point is that you don’t need a reason. If you love her and can’t imagine life without her, don’t let her go. You should realise how much she means to you. Sometimes, men don’t see this until it’s too late. We always assume we’ll get a second chance to be together — well, perhaps you will. But there’s an equal chance that you won’t; you really might lose her forever. And then you’ll be filled with regret for the rest of your life, because you let the most important thing in the world slip through your fingers. Don’t risk it.

Full Transcript of President Benigno Simeon "Noynoy" Aquino III State of the Nation Address



State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines


[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Quezon City, on July 27, 2015]


Maraming salamat po. Maupo ho tayo lahat.


Bago po ako magsimula, hihingi ako ng paumanhin, dahil hindi natin nagawa ang tradisyonal na processional walk. Hindi na rin po natin nakamayan ang lahat ng nag-abang. Medyo masama po kasi ang ating pakiramdam sa kasalukuyan.


Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; Senate President Franklin Drilon at mga miyembro ng Senado; Speaker Feliciano Belmonte Jr. at mga miyembro ng Kamara de Representante; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Gabinete; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga kasapi ng militar, pulis, at iba pang kawani mula sa ating unipormadong hanay; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan, magandang hapon sa inyong lahat. [Palakpakan]


Ito ang aking ikaanim na SONA. Muli akong humaharap sa Kongreso at sa sambayanan upang iulat ang lagay ng atin pong bansa. Mahigit limang taon na ang lumilipas mula nang itinigil natin ang wang-wang, hindi lang sa kalsada, kundi sa buong lipunan; mula nang pormal tayong nanumpang labanan ang katiwalian upang masugpo ang kahirapan; at mula nang natuto muling mangarap ang Pilipino, ang atin pong mga boss. Mga Boss, ito ang kuwento ng ating paglalakbay sa Daang Matuwid.


Nito lang pong Biyernes, pinasinayaan natin ang Muntinlupa-Cavite Expressway. Una po ito sa nakapilang Public-Private Partnerships na tayo ang nag-apruba, at sa ilalim ng administrasyon natin binuksan sa publiko. Sa atin pong mga sinundan: Halos magmakaawa ang pamahalaan sa pribadong sektor na lumahok sa mga proyekto. Ngayon sila na ang sumusuyo—dito nga po sa MCX, binayaran pa tayo ng premium na P925 million para sa pribilehiyong itayo ang imprastrukturang kailangan natin. Sa taas din ng kumpiyansa nilang kikita ang proyekto, sabi ng private proponent, libre na ang unang buwan ng toll sa MCX.


Talaga nga pong napakalayo na ng ating narating. Para isakonteksto ito, magbalik-tanaw tayo.


Dinatnan natin ang taumbayang namanhid na sa walang humpay na alegasyon ng kasinungalingan, pandaraya, at pagnanakaw.


Ipinagmalaki sa ating sapat na raw ang mga classroom. Iyon pala, umaabot sa apat na shift ang mga klase. May pumapasok nang madilim pa, at may umuuwing madilim na—pero lahat sila, naiwan sa dilim dahil hindi sapat ang oras ng pag-aaral.


“Uninterrupted growth” ang ibinida ng ating sinundan sa kaniyang huling SONA. Pero nang suriin po, malaking bahagi pala nito ay galing sa remittances ng mga taong nawalan ng pag-asa sa Pilipinas. Ika nga po, “People were voting with their feet.” Kung gagayahin ko ang ganitong estilo, kikilabutan akong angkinin ang tagumpay na nagmula sa pagpapalayas ng ating mga kababayan.


Nang papalapit ang eleksiyon ng 2004, lampas P700 milyon ang diumano’y pinambili ng fertilizer na di-angkop sa pananim, sobrang taas ng presyo, at sa maraming pagkakataon ay hindi man lang nasilayan ng mga magsasaka. Sino kaya ang napataba ng patabang ito? Klarong hindi pananim o magsasaka. Naalala rin po siguro ninyo ang NBN-ZTE scandal. Inimbestigahan namin ito sa Senado; may nagsabing siya raw ay tinangkang suhulan. Nang usisain, ayaw namang magsalita dahil may executive privilege daw siya. Hindi rin naman maipatawag ang dating pangulo—kaya ang natirang matatanong ay ang alipores niyang akusado ng panunuhol. Natural, itinanggi niya ang paratang.


Noong mga panahong iyon, maski bata, natutuhan na ang salitang “scam.” Naaalala siguro ninyo: Ang Hello Garci, na sinagot lang ng “I am sorry.” Ang mga tunay na bank account ng bogus na si Jose Pidal. Ang tinangkang Constitutional Assembly para habambuhay na manatili sa puwesto. Ang EO 464 na nagtangkang supilin ang katotohanan. Ang pagdeklara ng State of Emergency, para umilag sa checks and balances ng 1987 Constitution ukol sa Martial Law. Ang midnight appointments. Ang Calibrated Preemptive Response na ginamit laban sa mga nagpoprotesta. Sa wika pa lang po, mali na ito. Paano nauuna ang response? Para mo na ring sinabing nag-reply ka sa taong hindi ka naman tinext [text].


Ito po ang mga headline na araw-araw nating inalmusal bago tayo manungkulan. Pag-upo naman natin sa puwesto, sunod-sunod nating nadiskubre ang kalokohan ng ating pinalitan. Nabanggit ko na po sa mga nakaraang SONA: Sa NFA, pinalobo ang utang mula P12.3 billion noong 2001, patungong P176.8 billion noong Hunyo 2010. Sinabayan ito ng sobra-sobrang pag-angkat ng bigas na nabulok lang sa kamalig. Sa PAGCOR, isang bilyong piso para sa kape. Sa MWSS: Patong-patong na pa-bonus. Sa Laguna Lake: higit sa P18 bilyon ang tinangkang lustayin sa paglalaro ng putik. Di ko nga po lubos maisip kung paanong naatim ng mga pasimuno nito ang makinabang sa pagdurusa ng ating mga kababayan.


Bawat opisyal ng gobyerno, nanunumpang maging makatarungan sa kapwa at sumunod sa batas. Pero klaro: Ang ginawa ng nauna sa atin, kabaliktaran nito. Nakita natin ang pinakamasahol na ehemplo noong Nobyembre ng 2009, nang pinaslang ang 58 na Pilipino sa Maguindanao. Isipin lang ito, mali na. Ginawa nila, lalong mali pa. Pero ang matindi po: Naniwala silang malulusutan ito, dahil nasa poder sila—kaya nila itinuloy. Ilang halimbawa pa lang po ito na batid n’yo; napakarami pang iba.


Sa ganitong sitwasyon, masisisi ba natin ang mga kababayang lumikas na dahil walang makitang pag-asa?


Gaya ninyo, sumagi rin sa isip kong sumuko na lang. Nang pumanaw ang aking ina, lalo pang nabawasan ang ating kumpiyansa; nawala ang aming pinuno at inspirasyon sa pagtutulak ng pagbabago. Sa burol niya, may lumapit sa akin at nagmungkahing tumakbo raw po ako sa pagka-pangulo. Ang sagot ko: Hindi naman ako masokista. Kasama ako sa nagpapahinto ng mga ginawang mali; batid ko ang lubha ng sitwasyon. Tiyak ko ring may mga detalye pang inilihim sa atin, at sadya ngang mas malaki pa sa ating nalalaman ang problema. Nang ako nga po ay tawagin ninyo para maglingkod, ang naging tanong ko: Kung hindi agad malutas ang mga problema, gaano kahaba ang magiging pasensiya ng aking mga Boss, bago nila ibaling ang galit sa akin?


Isa sa mga nakakumbinsi sa akin si Alex Lacson. Ang sabi niya: “Simulan lang ang pagtigil sa pang-aabuso, sapat na. To stop the hemorrhaging would be enough.”


Pakinggan po natin siya:


In 2008, our Philippines was ranked by World Bank as one of the most corrupt countries in the world.


At that time many of my friends and I were looking for a good man, not only a good politician to be our president in 2010.


Noong namatay si Cory at nagsalita si Senator Noynoy sa kaniyang burol, doon namin napagtuunan ng pansin si Senator Noynoy, in the same manner that Conrad de Quiros and Billy Esposo saw a great potential in Senator Noynoy.


Then my friends encouraged me to lead the public call to urge Senator Noynoy to run for president. My friends and I went to the house of Senator Noynoy in Times Street. We brought a yellow drum, and we encouraged the public to write letters.


Within 24 hours, there was an outpouring of public support for Senator Noynoy to run for public office.


I did not expect him to be Superman to solve all our problems in the country pero inaasahan ko na simulan niya ang tamang landas.


Mr. President, thank you for heeding the call of the people in 2010, and thank you, too, for respecting my beliefs, even as we disagreed on a number of issues.


Dalhin mo po ang ating bansa sa tamang landas.


– Alex Lacson [panoorin ang video]


[Palakpakan]


Noon pa man, alam na nating katiwalian ang ugat ng pagdurusa. Kaya nga, ang sigaw po natin: Kung walang corrupt, walang mahirap.


Matinding pagsisikap, tapang, political will, at tiwala sa Diyos at kapwa ang kinailangan upang isabuhay ang kaisipang ito. Siyempre po, ang mga dalubhasa ng lumang kalakaran, hindi maamong tupang papayag na lang matigil ang pagkakataon nilang magsamantala. Ginamit at patuloy nilang ginagamit ang impluwensiya at salapi upang labanan ang agenda ng pagbabago. Ginamit din nila ang poder para maghanda ng mga salbabida sa panahon ng paghuhusga.


Ang Ombudsman na itinalaga para bantayan ang katiwalian, diumano’y nagbulag-bulagan sa mga eskandalo ng nakaraang administrasyon. Na-impeach siya sa Kamara, at nagbitiw sa puwesto bago malitis ng Senado. Ang Punong Mahistradong tila ba may pagkiling sa nag-appoint sa kaniya, ay napatunayang naglihim ng yaman at ari-arian sa SALN, na-impeach ng Kongreso at na-convict ng Senado.


Kapalit nila, nagtalaga tayo ng mga taong may integridad at sariling pasya. Ang bagong Ombudsman: si Conchita Carpio-Morales. Ang bagong Chief Justice: si Ma. Lourdes Sereno. Ngayon, may sapat na panahon na siyang magpatupad ng reporma sa Hudikatura. [Palakpakan]


Pati po sa ibang ahensiya, nagtalaga tayo ng tapat at matatapang na pinuno. Sa COA, agad nating inilagay si Chairperson Grace Pulido-Tan. Sa Ehekutibo naman, nag-appoint din tayo ng mga palaban: si Commissioner Kim Henares sa BIR, at si Secretary Leila de Lima [palakpakan] naman sa Department of Justice. Wala silang inatrasan sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Sa inyong lahat, isang taos-pusong pasasalamat.


Sa itaas, gitna, o ibaba ng burukrasya, napakarami nang sinuspinde, tinanggal sa puwesto, sinampahan ng kaso, o di kaya’y nasa piitan. Kung may nagdududa pang tunay ngang nakapiring ang katarungan, maganda po sigurong ituon nila ang pansin sa tatlong senador na kasalukuyang naka-detain, at sa dating pangulong naka-hospital arrest.


May mga magsasabi: Mag-move on na raw tayo. Ako naman po ay naniniwala sa sinabi ni George Santayana: Ang makalimot sa mali ng nakaraan, garantisadong uulitin ito.


Tingnan po ninyo ang ginagawa ng mga nagkasala sa atin. Una, ipinapalimot ang kanilang mga nagawa. Pagkatapos, sasabihin nila, “Kawawa naman kami.” Sinamantala na nga tayo, sinasamantala pa ang likas nating pagkamaawain, para tuluyang makatakas sa pananagutan. Ang kasunod, gagawa sila ng paraan para makabalik sa poder. Di ba’t iyan naman talaga ang kanilang master plan, upang patuloy pa tayong pagsamantalahan?


Natutuhan ko nga po sa aking mga magulang, sa simbahan, at sa mga proseso ng batas: Anumang paghihilom ay nagsisimula sa pag-amin at pagsisisi ng nagkasala. May naalala ba kayong nagsabing, “Sorry sa pagnanakaw at pang-aabuso, handa na akong magbago”? Ang sa akin lang po: Makaka-move on lang tayo kapag nakamtan ang katarungan. [Palakpakan]


Nagpatuloy nga po ang pagsasaayos ng mga institusyon, upang muli silang maituon sa tunay nilang mandato. Halimbawa: Sa Government-Owned and -Controlled Corporations. Ang mga itinalaga dito, nanumpang pangalagaan ang yaman ng bayan. Ang masakit, maski nalulugi na nga ang mga GOCC, kaliwa’t kanang benepisyo’t insentibo pa ang ipinamudmod nila sa kanilang sarili. Kumbaga sa baka, habang ginagatasan ang institusyon, gusto pang karnehin. Kaya ang dibidendo ng nakaraang administrasyon, P84.18 billion lang sa loob ng siyam at kalahating taon.


Sa atin, nabawasan na ang GOCCs sa pagpapasara ng mga nawalan na ng saysay, pero dahil pinatino ang palakad: Umabot na sa P131.86 billion ang dibidendo [palakpakan] sa loob ng limang taon mula nang tayo’y maupo. Hindi nga po malabong bago tayo bumaba sa puwesto ay madodoble na natin ang dibidendo ng ating pinalitan, na mas mahaba ang panahon para mag-ipon. [Palakpakan]


Ganitong paninindigan din ang ipinamalas natin sa BIR, na siyang pinakamalaking revenue generating agency ng pamahalaan. Dumating tayong pinakamataas na sa kasaysayan ang P778.6 billion na koleksiyon noong 2008. Tinambakan natin ito. Noong 2012, P1.06 trillion ang nakolekta ng BIR—ang unang pagkakataon sa kasaysayang tumawid ng P1 trilyon ang ating koleksiyon. [Palakpakan]


Nitong nakaraang taon, umakyat na ito sa P1.3 trillion, at aabot pa sa P1.5 trillion ang malilikom ngayong 2015. [Palakpakan]


Limang taon lang ang kinailangan para mapantayan, mahigitan, at halos madoble ang pinakamalaking nakolekta ng ating sinundan. Nagawa ito nang tumutupad sa pangakong di magpapataw ng bagong buwis, maliban sa Sin Tax Reform. [Palakpakan]


Paano narating ito? Simple lang po: Ako po’y naniniwalang mabait si Commissioner Kim Henares, pero ‘yung kaniyang mga kinasuhan ay iba yata ang opinyon. Si Commissioner Kim Henares, walang tax evader na sinanto. Ngayon, 380 kaso na ang naisampa laban sa mga nagtangkang umiwas sa buwis. Ginawa rin niyang episyente ang sistema ng pagbabayad ng buwis, at sinigurong malinaw sa lahat ang kanilang tungkuling makiambag sa pag-angat ng bansa.


Sa Pambansang Budget: Sa ilalim ng pinalitan natin, laging reenacted ang bahagi o kabuuan nito. Noong 2007, halimbawa, halos Abril na naaprubahan ang GAA. Masama na po, na ang mga proyektong natapos na ay pinondohang muli. Ang mas malala: Pati ang Maintenance and Other Operating Expenses, kabilang na ang pasahod, ay kasama sa reenacted budget na ito. Ibig sabihin, ang nakasahod na ng unang tatlong buwan ng 2007, pinaglaanan pa ulit ng pondo. Saan kaya napadpad ang mga sobrang ipinagkaloob at hiniling?


Ang napatunayan natin: Kung makatwiran ang mungkahi ng Ehekutibo sa budget, maayos ang magiging diyalogo sa mga miyembro ng Kongreso. Agarang maipapasa ang GAA, mas mapapabilis ang pagdating ng serbisyo sa ating mga kababayan, at mas maagang maiibsan ang kanilang paghihirap.


Naging malinaw ang mensahe: Seryoso tayo sa pagbabago; patas ang laban dito. Ang resulta: kumpiyansa sa ating ekonomiya.


Nang nagsisimula pa lang tayo, hindi ko inasahang manunumbalik agad ang tiwala ng mundo sa Pilipinas. Ang inisip ko lang po noon: Itigil ang kalokohang umiiral sa sistema, para mahinto ang paglubog ng sitwasyon ng ating kababayang naghihikahos sa kahirapan. Sumagi man lang ba sa isip ninyo na magtutuloy-tuloy ang pag-angat natin sa global competitiveness rankings, at magiging tanyag tayo dahil sa bilis ng paglago ng ating ekonomiya? Ngayon, ang Pilipinas, nabansagan nang “Asia’s Rising Tiger,” “Asia’s Rising Star,” at “Asia’s Bright Spot.” [Palakpakan]


Ngayon nga po, sa kauna-unahang pagkakataon, investment grade na tayo ayon sa mga pinakatanyag na credit rating agencies. Malinaw ang sinasabi nito sa mga negosyante: Sulit mamuhunan sa Pilipinas; nabawasan na ang peligro sa pagnenegosyo dito. Ngayon, mas mababa ang interes at mas mahaba ang panahon ng pagbabayad ng utang, na nakakaengganyo sa mga negosyanteng tumaya sa Pilipinas. Sa pagtatayo at pagpapalawak ng negosyo, sisigla ang kalakalan, lalakas ang kompetisyon, at dadami ang oportunidad. Lahat ito, direktang resulta ng pagsulong ng reporma sa Daang Matuwid. [Palakpakan]


Tingnan po natin: Noong 2010, nasa P1.07 billion lang ang net foreign direct investments na pumasok sa ating bansa. Noong 2014, pumalo na ng $6.2 billion ang net foreign direct investments. [Palakpakan] Ito ang pinakamataas na naitala sa ating buong kasaysayan.


Pati sa domestic investments, napakasigla ng mga numero; ngayon, ang Pilipino, tumataya sa kapwa Pilipino. Ikumpara natin: Mula nang una itong itala noong 2003 hanggang sa pag-upo natin noong 2010, P1.24 trillion lang ang approved na domestic investments. Mula naman third quarter ng 2010 hanggang 2014, ang ipinasok na puhunan ng ating mga kababayan sa merkado: P2.09 trillion na po. [Palakpakan]


Sa manufacturing naman po: Aaminin ko, noong unang nanungkulan tayo, isa sa mga pinakamalaking palaisipan ang pagbabalik ng sigla sa sektor na ito. Humarap sa maraming hamon ang mga industriya: Kuryente pa lang, napakamahal na nga, di pa tiyak. Di rin po biro ang pagtatayo ng pasilidad, dahil malaking puhunan ang kailangan para sa mga makina at pagsasanay ng mga tao. Kaya po ultimo low-tech na electric fan noon, kinailangan na nating angkatin.


Dahil sa repormang nagpanumbalik ng kumpiyansa sa ating bansa, lumago ang manufacturing sector. Ang three percent annual average growth ng sektor mula 2001 hanggang 2009, naiangat natin sa eight percent mula 2010 hanggang 2014. [Palakpakan]


Malinaw po: Kaya nang makipagsabayan ng Pilipino. Dati, ang tanging bentahe natin ay ang mababang pasahod sa ating mga manggagawa. Ngayon, dinadala na rin dito ang mga pabrika ng hi-tech na kagamitan: mula sa mga bahagi ng eroplano, mga electric tricycle, mga printer, at iba pang digital media products, hanggang sa high-quality medical devices gaya ng aortic catheter, at gamit para sa in vitro diagnostics at hemodialysis treatment.


Pakinggan po natin kung gaano kalinaw ang pagbabago:


Napakahalaga ng ginawa ng Administrasyon na ito. Ibinaligtad ‘yung ating corruption trends of the previous administration.


Kasi kapag walang rule of law, ‘yung mga korporasyon na okay lang sa kanilang maglagay, okay lang silang ‘wag magbayad ng tamang buwis, parang sila ‘yung nagkakaroon ng tinatawag nating competitive advantage.


President Aquino has walked the talk. Ginawa niya ‘yung sinasabi niya. Noong inaresto nila ‘yung dating presidente, at inaresto ang tatlong senador, pinalitan natin ang isang Chief Justice. Dati, iniisip ng mga tao, ‘Ay, untouchable ‘yan.’ Pero ngayon, nasa piitan.


The strong message has been sent. At dahil doon, sa rule of law, ‘yung good governance na itinatag ng administrasyong ito, ‘yung ating foreign direct investments from 2 billion, umakyat to 6.2 billion.


Ang laki nung tinalon natin, 33 places, nung mga bansang niraranggo ng World Economic Forum at sinasabi ito ng World Economic Forum na nangyari iyon dahil sa anti-corruption agenda. Dahil sa reform na ginawa ng gobyernong ito. Dapat lamang ang bawat Pilipino, matuto tayo at siguraduhin natin na sa mga susunod na administrasyon, ipagpapatuloy natin ito.


– Peter Perfecto, Makati Business Club [panoorin ang video]


[Palakpakan]


Alam po natin: Ang pangunahing sukatan kung tunay na tumatalab sa karaniwang Pilipino ang pag-unlad ay ang nalilikhang trabaho. Suriin natin ang pagbabago sa aspektong ito.


Taon-taon, mahigit 800,000 ang mga bagong pasok sa ating labor force. Idagdag na rin po natin diyan ang naiulat na pagkaunti ng overseas Filipinos. Noong 2011, nasa 9.51 million ang naitalang overseas Filipinos ng Department of Foreign Affairs. Sa huling datos naman ng Disyembre ng 2014, nasa 9.07 million na lang ito. Hindi kalabisang isiping marami sa tinatayang 440,000 nabawas sa kanila ay bumalik sa Pilipinas, at nakahanap ng trabaho. [Palakpakan]


Bagama’t may bagong salta sa merkado, mga balikbayan, at dati nang walang trabaho, ang unemployment rate, bumaba sa 6.8 percent noong nakaraang taon. [Palakpakan] Ito ang pinakamababa sa loob ng isang dekada. Linawin ko rin po: Permanenteng trabaho ang nalikha natin; hindi tayo nag-hire ng magwawalis ng kalsada tuwing survey period lang, para kargahan ang resulta.


Kaakibat ng paglikha natin ng trabaho ang maaliwalas na ugnayan ng manggagawa at negosyante. Ikumpara po natin. Noong siyam at kalahating taon ng nakaraang administrasyon, ang natuloy na labor strike: 199, o halos 21 kada taon. Sa limang taon po natin, ang suma-total ng natuloy na strike: 15 na nga lamang po. [Palakpakan] Noon nga pong 2013, ang nag-strike sa buong bansa: isa. Ito ang pinakamababa sa kasaysayan ng DOLE. [Palakpakan]


Kaya naman po talagang bilib tayo kay Secretary Linda Baldoz, at sa sektor ng manggagawa at mga nangangasiwa. Si Sec. Linda po, hindi lang magaling; napakadali mo pang katrabaho dahil lagi kang positibo. Ikaw na nga ang tinagurian kong Pastora ng Gabinete. Maraming salamat sa iyo, Linda. [Palakpakan]


Talagang napakalaki na nga po ng pagbabago. Noon, ang mga signage na lagi nating nakikita, di ho ba, “No Vacancy”? Ngayon, nagkalat ang mga anunsiyong “For Immediate Hiring”; magbukas ka lang ng diyaryo, makikita sa classified ads ang maraming kumpanyang naghahanap ng maeempleo. Ang iba nga, pagandahan pa ng insentibo. Merong magpa-interview ka lang, ililibre ka na ng almusal. Kapag na-hire naman, sagot na rin nila ang blow-out para ipagdiwang ang bago mong trabaho.


Nabanggit nga po sa akin ng ilang negosyante na pahirapan na ngayong makahanap ng accountant. Naalala ko po kasi nung bata ako, maraming kumukuha ng BS Commerce Major in Accountancy. Nang bumisita tayo sa Bicol University, naikuwento ko ito sa kanilang presidente. Tanong ko: Di ba meron kayong accountancy program? Meron daw po, pero kahit sila ay nahihirapang punuin ang sariling accounting department. Bakit? Sabi po kasi ng presidente nila, ang mga estudyante nila, 3rd year pa lang, nire-recruit na ng mga accounting at auditing firms. [Palakpakan]


Nagawa po ito dahil sa pagtugon sa tinatawag na job-skills mismatch. Dati, maraming nagsasabing wala silang trabaho, kahit napakarami namang bakanteng posisyong nakatala sa PHIL-JobNet na hindi napupunuan. Ang simpleng dahilan: Hindi tugma ang kakayahan ng ating mga kababayan sa hinahanap ng merkado. Simple lang din po ang solusyon dito: Kausapin ang mga prospective employer, para malaman kung anong klaseng kaalaman ang hinihingi ng mga posisyong binubuksan nila. Dito naman tayo nagsasanay ng trainees, upang masagad nila ang oportunidad.


Ang prinsipyo ng ating pamumuno: Sa halip na bigyan ang kapwa ng isda, turuan siyang mangisda. Ang pag-unlad at pagkakataon, sinisiguro nating masasagad ng ating mga kababayan. Hindi puwedeng daanin sa trickle down, “bahala na,” o “sana” ang pag-abot nito sa mga pinakamahirap. Ang paninindigan po natin: inclusive growth.


Ang agenda: ayuda, kaalaman, kasanayan, at kalusugan para walang maiiwan. Ang isa sa mga mekanismo: Pantawid Pamilyang Pilipino Program.


Pinalawak natin nang husto ang saklaw nito. Ngayon, nasa mahigit 4.4 million na ang kabahayang nakikinabang sa programa. [Palakpakan] Malayong-malayo ito sa dinatnan nating 786,523 lamang na kabahayan. Nitong taon, 333,673 ang nagtapos sa high school; kabilang sila sa unang batch ng ating mga benepisyaryo sa pinalawak na Pantawid Pamilya. 13,469 sa kanila ang tumanggap ng honors at iba’t ibang gantimpala. [Palakpakan] Iyon nga pong dalawang benepisyaryong nakilala ko, nakapasok sa quota course na Civil Engineering sa University of the Philippines.


Ang lahat po ng benepisyaryong ito, tataas ang antas ng kaalaman; sa halip na menial jobs ang pasukan ay malamang makakuha sila ng mga trabahong maayos ang mga suweldo. Income tax pa lang nila, bawi na ang puhunan ng estado, at maitutuloy natin ang siklo ng pagbibigay-lakas sa mga nangangailangan. Bonus pa po ang lalong magandang kinabukasang nag-aabang para sa mga honor students na pinagtapos ng programa.


Pakinggan po natin ang isang natulungan ng Pantawid Pamilya:


Ngayon, mas nagsikap ako. Kasi po dati, nakikita ko po ‘yung hirap ng pamilya ko. Pero ngayon, dumating po ‘yung 4P’s nakita ko po na may mga tao na tumutulong sa iyo. Alam ko po na hindi sila humihingi ng kapalit pero po sa akin sa pagsisikap ko sa pag-aaral ‘yun na po ‘yung ginagamit ko bilang kapalit. ‘Yung pera po na binibigay ng gobyerno hindi po namin sinayang ‘yun. Kaya po natutustusan po ‘yung mga gastusin ko sa paaralan.


Noong nakapasa po ako ng UP, masaya po ako kasi ‘yun po talaga ‘yung pangarap kong paaralan. ‘Yun po ‘yung naibigay sa akin ng CCT, nabigyan po nila ako ng mabuting edukasyon upang makapagtapos po ako ng high school at ngayon po makapag-aral po ako ng college.


Alam ko po na maraming bumabatikos sa programang ito, pero gusto ko po na sabihin kay Pangulong Benigno Aquino na tingnan na lang po nila ako, kami. Kami po ‘yung mga patunay na ‘yung perang nilalagak ng gobyerno ay hindi nasasayang. Napupunta ito sa mabuting adhikain na alam ko na balang-araw makakatulong upang mapataas ang estado ng ating bansa.


– Alyannah, CCT beneficiary [panoorin ang video]


[Palakpakan]


Sa Pantawid Pamilya, kapalit ng tulong sa mga benepisyaryo, pangunahin nilang dapat tutukan ang pag-aaral ng mga anak. May paunang bunga na po ito: Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, noong 2008, mayroong 2.9 million na out-of-school children sa ating bansa. Lumaki ang ating populasyon, pero noong 2013, ang natirang out-of-school children, 1.2 million na lang po. [Palakpakan] Idiin po natin ang diperensiya: 1.7 million. Para po nating pinuno ng estudyante ang humigit-kumulang 42,500 na bakanteng classroom. Siyempre, bukod sa Pantawid Pamilya, may kontribusyon din ang Alternative Learning System para masigurong pati ang mga katutubo at street children ay hindi napapag-iwanan.


May mga nagtatanong pa nga rin po: Nasaan ang resulta ng Pantawid Pamilya? Sagot po natin diyan, “Naman.” Ang akala kaya nila, itong Pantawid Pamilya ay parang mahiwagang tabletang kapag ininom ng kinder, pagkatapos ng ilang oras ay college graduate na? [Palakpakan at tawanan] Baka po kulang sila ng pagkakataong mag-aral kaya tululungan natin silang magbilang: 13 taon ang K to 12, samantalang anim na taon lang ang aking termino. Nahahalata tuloy kung sino ang medyo matinding mambobola.


Ang lakas din ng loob ng ibang ipagsigawan: May leakage daw ang Pantawid Pamilya. ‘Yun pala, para makapangutya sila, taong 2009 na datos ang ginamit. Paalala lang po: Kalagitnaan ng 2010 nang ako’y naging Pangulo; mukhang ibang pinuno ang dapat nilang singilin sa tinatawag nilang leakage. [Palakpakan] Malamang, pagdating ng panahong ang mga benepisyaryo’y nag-aambag na sa ekonomiya, ang mga tumutuligsa ngayon, mag-uunahang magsabing sila ang ama o ina ng pinalawak na Pantawid Pamilya.


Sa sektor naman po ng edukasyon: Sinisiguro nating napupunuan ang mga pagkukulang ng nakaraan, natutugunan ang mga pangangailangang dumarating sa kasalukuyan, at napapaghandaan pati ang para sa kinabukasan.


Unang dalawang taon pa lang natin sa puwesto, naisara na ang dinatnang backlog na 61.7 million textbooks at 2.5 million na upuan. Pagdating ng 2013, ang backlog na 66,800 classrooms, at ang kulang na 145,827 na guro, natugunan na rin sa tulong ng ating local government unit partners. [Palakpakan]


Sa estima ng DepEd, mula 2010 hanggang 2017, ang kabuuang bilang ng madaragdag na estudyante: 4.7 million. Bunsod po ito ng pagdami ng enrollees at pagpapatupad natin ng K to 12. Para matugunan ito, kailangan nating magdagdag ng tinatayang 118,000 classrooms. 33,608 dito, naipatayo na. Ngayong taon, nakasalang na ang pagpapagawa ng mahigit 41,000 pa. Ang natitirang 43,000, nakapaloob na sa inaasahan naming ipapasa ninyong 2016 budget. [Palakpakan]


Tinatayang 130,000 naman ang kailangan nating guro. Nitong 2014, ang na-hire na ay 29,444. Ngayong taon, ang kabuuang bilang ng guro na target nating ma-hire: 39,000. Ang natitira pang 60,000, nakapaloob na sa panukalang 2016 budget na sana po’y aprubahan n’yo. [Palakpakan] Ayon nga po kay Bro. Armin, ang suma-total ng naipagawa nating mga classroom at na-hire na guro ay higit pa sa pinagsama-samang nagawa mula sa nakalipas na 20 taon bago tayo manungkulan.


Naipamahagi na natin ang karagdagang 73.9 million textbooks, na susundan pa ng 88.7 million ngayong taon. Ngayong 2015 din, naihatid na sa mga paaralan ang 1.6 million na upuan, na daragdagan pa uli ng 1.6 million bago matapos ang taon. Sa budget na isusumite natin para sa 2016; nakalagay na ang pondo para sa dagdag pang 103.2 million textbooks, at 4.4 million na upuan. Malinaw po: Hindi na tayo mag-iiwan ng sakit ng ulo sa susunod sa atin. [Palakpakan]


Linawin ko lang po: Nagpatupad tayo ng K to 12 dahil hindi praktikal ang pagsisiksik ng kaalaman sa 10-year basic education cycle. Tandaan lang po ninyo noong tayo’y nag-umpisa, tatatlo na lang tayong bansa na may 10-year basic education sa buong mundo. Kinukuwestiyon na ang credentials ng ating mga kababayan sa ibang bansa; mayroon na ring na-demote, dahil hindi raw sapat na patunay ng kakayahan ang diplomang tangan niya. Kung ang lumang kalakaran sa edukasyon ay maihahalintulad sa manggang kinalburo, ngayon, sinisiguro nating hinog ang kakayahan ng mga estudyante na magpanday ng sariling kinabukasan.


Pakinggan po natin ang isang patunay:


Father ko po, jeepney driver since bata pa po ako. Noong second year po ako, na-stroke po ‘yung nanay ko. Actually po, hindi ko na po tinanong. Alam ko po na incapacitated na po sila para po mapag-college po ako.


Sa halip po na mag-stop po ako, kinontinue [continue] ko po ‘yung pag-aaral ko using the K-12 program. Ang napili ko pong specialization is Drafting Technology po.


Part po ng K-12 program is ‘yung career immersion po. Napunta po ako sa CLP metal, isa pong company ng metal fabrication.


Job description ko po ay mag-design po ng mga makina. Ang machine po na ito is pang-dehair po ng baboy. Once na po sumalang ‘yung baboy diyan, after several seconds po, wala na pong balahibo ‘yung baboy.


May nabibili pong ganyan kaso po abroad pa po. Sa design po ng CLP, kami po ‘yung nag-a-adjust sa budget na binigay ng customer.


Proud na proud ako, kasi hindi po lahat ng 19-year old ngayon ay kayang mag-design ng machine.


Ipinagmamalaki ko na K-12 graduate ako dahil nasusuportahan ko na ‘yung pamilya ko, and I’m learning while earning.


– Rezia Joy Jianoran


[Palakpakan]


Kung sa tech-voc naman pumasok, nakahanda na rin ang ating pinalakas na mga programa para sa kanila. 7.8 million na ang mga nagtapos sa iba’t ibang kurso ng Technical Vocational Education and Training na pinangasiwaan ng TESDA. Sa Training for Work Scholarship Program lang po, umabot na sa 821,962 ang napagtapos. Ano na kaya ang sitwasyon nila? Ayon sa pag-aaral, 71.9 percent na ang agad nakahanap ng trabaho, kumpara sa 28.5 percent dati. Ang ilang industriya pa nga, talagang pumapalo na dahil 91.26 percent po ang employment rate ng mga nasa semiconductors and electronics industry—konti na lang po, 100 percent na. [Palakpakan]


Naikuwento nga po sa atin ni Sec. Joel Villanueva: May OFW na napilitang umuwi. Akala niya, wala nang pag-asang umasenso. Nag-aral siya ng “hilot wellness massage” sa TESDA; ngayon po, apat na ang branch niya ng spa. Naikuwento ko na nga rin noong nakaraang SONA ang isang PWD na dating barker; ngayon, escalation supervisor na siya sa isang BPO. [Palakpakan]


Sa Sari-sari Store Training and Access to Resources Program o STAR naman, may isang sari-sari store owner na kumikita dati ng P800 kada araw; ngayon, P4,000 na ang kita niya. Kung susumahin nga po, halos pareho na nga kami ng suweldo ng benepisyaryong ito, [palakpakan at tawanan] kahit hindi parehong stress ang dinadaanan namin. [Tawanan]


Paano nagawa ito? Sinanay siya sa bookkeeping, inventory management, accounting, at iba pa. Talagang bilib po tayo, dahil pati kung paano siguruhing mapupunta sa tama ang dagdag na kita, itinuturo din sa STAR program.


Pakinggan po natin ang isa sa mga nakinabang sa programa ng TESDA at ng Coca-Cola:


[Mayroon nang 34,414 sari-sari store owners ang natulungan ng TESDA STAR program.]


Pareho po kaming mag-asawa na walang trabaho. Nag-training po kami sa STAR program. Itinuro po sa amin kung paano ba mag-manage ng negosyo, kung paano mo palalaguin.


Noong nagtayo po ako ng sari-sari store, gawa lang po sa kawayan. Ngayon na-concrete na. Isa po ito na makakatulong sa mga anak ko, mabigyan ko naman sila ng magandang buhay. Marami na akong naibebenta. Dumoble pa po ‘yung income ko.


Nagpapasalamat po ako sa ating Secretary General Joel Villanueva dahil sa kanilang programa, nagkaroon po ako ng pagkakataon na maipakita ‘yung kakayahan ko sa pagnenegosyo.


– Ma. Theresa Tomaro, TESDA STAR Program trainee [panoorin ang video]


[Palakpakan]


Dumako naman tayo sa sektor ng kalusugan. Sa maraming Pilipino, sagabal sa pagtupad ng mga pangarap ang pagkakasakit. Ang mga pamilyang umaasenso, back to zero kapag tinamaan ng karamdaman. Nauubos na nga ang ipon, nababaon pa sa utang.


Sa PhilHealth po: Dumating tayong 47 milyong Pilipino lang ang benepisyaryo. Halos dinoble na po natin ito. Nitong Hunyo, pumalo na ang saklaw ng ating PhilHealth sa 89.4 million na Pilipino. [Palakpakan] Ang pagbabago pa nga po: Tuwing eleksiyon, parang kabuteng nagsusulputan ang mga bagong benepisyaryo ng PhilHealth. Imbis kasi na pangangailangan ng taumbayan, interes ng kandidato ang naging basehan. Tinama na natin ang ganyang kalakaran.


Heto pa po. Noong 2012, inanunsiyo natin: Kung kabilang ang pamilya mo sa lowest quintile o ang pinakamahirap na 20 porsiyento ng ating populasyon, at nagpagamot ka sa pampublikong ospital, sigurado, wala kang kailangang bayaran. Simula po noong 2014: Lumawak na iyan para saklawin ang susunod na quintile sa ating lipunan. Ibig sabihin, para sa pinakamahirap na 40 porsiyento, libre na ring magpagamot sa mga pampublikong ospital. Ito po ‘yung pagkalingang tinatawag ng iba na palpak at manhid. Ang tugon ko po, sabi nga ni Aiza Seguerra noong araw, “I thank you, bow.” [Palakpakan]


Ngayon, pakinggan po natin ang ilan sa mga resulta ng pinaigting na PhilHealth program:


Ako po’y na-diagnose na merong quadruple po ‘yung bara sa puso ko.


Di po namin actually alam kung papaano kami makakapagpa-opera nang ganoon. Hinihingan po ako ng P300,000. Sa PGH, P700,000. Sa UST daw, P800,000 naman po ang hinihingi sa akin.


Sumagot po ‘yung isang doktor. PHILHEALTH naman pala ‘yung misis ninyo. Qualified ‘yan. Ipasok na sa Z-package ‘yan. Ooperahan po kayo.


Halos tumayo lang kami, nag-ayos kami ng papeles, tapos nadugtungan na ‘yung buhay ko, ‘di ba?


‘Yung tinanggap ko pong serbisyo, doon sa ospital, para na rin akong nasa private eh. ‘Di ako kinonsider [consider] na charity patient. Pay patient po kayo. PhilHealth po ang magbabayad niyan.


To be honest, wala po akong binayaran. ‘Yung aming hinahanda-handang kaunting pera ay magagamit namin sa post-operation.


Nagpapasalamat po ako sa PhilHealth at siyempre sa gobyerno natin at mayroon palang ganitong mga proyekto ang PhilHealth na makakatulong talaga sa tao.


– Danilo Espiritu, PhilHealth beneficiary [panoorin ang video]


[Palakpakan]


____________________


‘Yung Sin Tax, noon pa dapat ‘yun pala ‘yung sagot kasi meron siyang sariling pondo niya para doon sa kalahatang pangkalusugan.


Malaki ang naitulong niya sa province of Pampanga kasi before ang kapitolyo gumagastos siya ng P400 million a year para dun sa tulong. Pero noong nagkaroon ng Sin Tax Law, lahat ng mga mahihirap kinover [cover] nila na magkaroon ng PhilHealth.


Malaki ‘yung kapasalamatan ko kay President Aquino, kasi napakalaking kalunasan lalo na sa pondo ng probinsya almost P400 million ang talagang nagamit sa ibang proyekto at galing sa Sin Tax–nakakapagpagawa ng birthing station, napapagawa ‘yung mga hospital namin, nakakapagpagawa sila ng mga health center. Nagpapasalamat ako talaga sa kaniya doon sa pag-aalaga niya sa mga maysakit na mahihirap.


– Governor Lilia Pineda [panoorin ang video]


[Palakpakan]


Muli po nating balangkasin ang kuwento ng nakaraang limang taon. Hinabol natin ang mga corrupt at nilinis ang sistema, na nanganak ng kumpiyansa po sa ating mga merkado. Pumasok ang negosyo, lumawak ang oportunidad, habang binibigyang-lakas nating magkatrabaho ang Pilipino. Sila ang tumatangkilik ng mga negosyo; ito naman pong mga negosyo, nakikitang meron nang level playing field; naaasahan ang pag-asenso nang hindi kailangang mandaya. Nagpapalawak sila ng operasyon, at umeempleo ng mas maraming tao. Siklo po ito: katarungan, tiwala, paglago ng ekonomiya, pagkakataon, pag-asenso. Boss, ito mismo ang diwa ng “Kung walang corrupt, walang mahirap.” [Palakpakan]


At hindi lang natin nakamtan ang pagbabago; ang transpormasyong ating tinatamasa ngayon, lagpas-lagpas pa sa inasahan noong simula.


Ang Cadastral Survey, na sinimulan pa noong 1913, tapos na natin. Inabot ng halos isang siglo ang mga nauna sa atin para matapos ang 46 percent nito. Ang mahigit kalahati pong natitira, nabuno natin sa limang taon sa puwesto. Ito pong Cadastral Survey ang tumutukoy sa hangganan ng mga lupaing saklaw ng bawat lungsod, bayan, at lalawigan sa Pilipinas. Sa ARMM, halimbawa, para bang nanganganak ang lupa: Sabi ng mapa, 1.2 million hectares lang ang meron, pero kung susumahin ang idinedeklarang lupa, 3.7-million hectares ang inaabot. Ngayon, dahil naayos na ang land record system, wala nang nanganganak na lupa sa ARMM.


Noong 2011 po, inimbentaryo natin ang mga sitio; tinukoy natin kung sino pa ang nangangailangan ng kuryente. Gawa ng Sitio Electrification Program, nakapaghatid na tayo ng liwanag sa 25,257 sitiong natukoy sa imbentaryong ito. Dagdag pa rito, dahil sa paggamit ng solar at iba pang teknolohiya, kahit malayo o liblib na lugar, nagkakakuryente na rin. Ngayon po, 78 percent na ng target ng SEP ang energized na. At tinitiyak sa atin ng DOE na bago tayo bumaba sa puwesto, lahat ng naitala noong 2011, may kuryente na. [Palakpakan]


Tunghayan po natin ang isang magsasakang nakinabang sa ating Sitio Electrification Program.


Noon wala pang ilaw dito, kawawa ka. Kailangan magtitiis, ‘yung ginagamit namin ‘yung gas. Nagkailaw kami noong July 2015. Ngayon, sobra ah, sobrang saya namin nung unang mabuksan ‘yung ilaw dito sa bahay eh. Tuwang-tuwa sila na ano, manood-nood na ng bala o makinig ng mga magagandang awitin.


‘Yung mga bata nakakapag-aral siyang mabuti lalo na sa gabi. Kahit gabi nagtatrabaho ako eh, kasi ‘yung mga spotlight ko tsina-charge ko sa kuryente kaya ko mag-overtime. Eh dagdag kita ‘yan sa buhay.


– Domingo Bonifacio


Maraming pagbabago ang buhay ng mga tao rito noong nagsimulang may kuryente. Marami po ang nadagdag na pagkakitaan katulad ng mga weaving. ‘Pag may mga sewing machines, maka-design ba sila ng mas maganda. And food processing kailangan ang mga maraming equipment run by electricity. Mga estudyante nagre-research sa internet. Madami ang naitulong ng electricity sa pag-unlad ng Bauko. Malaki ang tulong na nagawa niya, congratulations to our President for making Bauko a better place to live in.


– Mayor Abraham Akilit, Bauko, Mountain Province [panoorin ang video]


[Palakpakan]


Sa aviation naman po, sunod-sunod din ang good news: Ang significant safety concerns na ipinataw ng International Civil Aviation Organization noong 2009, natanggal na noong 2013. Sa parehong taon, pinayagan ng European Union ang ating flag carrier na muling lumipad patungong Europa. Noong 2014 naman, isa pang local carrier ang pinayagan ng European Union, habang inangat na tayo ng U.S. Federal Aviation Administration sa Category 1, mula sa nangyaring pag-downgrade sa Category 2 noong 2008.


Dahil dito, dumadami ang flights papasok at palabas ng bansa, at napapadali ang paglipad ng mga turista sa loob ng Pilipinas. Ang maganda pa: Nitong Hunyo, inalis na rin ng EU Air Safety Committee ang travel ban sa lahat ng ating air carrier. Ito po ang unang pagkakataong tinanggal nila ang ban sa buong civil aviation sector ng isang bansa. Ngayon, lahat ng airlines natin, direkta nang makakalipad papuntang United Kingdom, Italy, at iba pang bansang kasapi ng EU.


Sa seafaring: 2006 pa lang po, kinuwestiyon na ng European Maritime Safety Agency o EMSA ang ating pagsunod sa Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers. Dahil dito, nagkaroon ng bantang hindi kilalanin ng EU ang ating maritime education certificates. Kung hindi tayo umaksiyon, may potensiyal na mawalan ng trabaho ang tinatayang 80,000 marinong Pilipinong naglalayag sa mga barkong Europeo.


Agad na kumilos ang MARINA at DOTC para iayon ito sa mga pandaigdigang pamantayan. Hanggang ngayon, kinikilala pa rin ng EU ang ating mga sertipikasyon. Sa susunod na audit ng EMSA na magsisimula ngayong Oktubre, ang garantiya ng MARINA sa atin: Tiyak, papasa na po tayo. [Palakpakan]


Kay Sec. Jun Abaya: Huwag ka sanang panghinaan ng loob kung tila nalilimot ng iba ang nagawa mo para sa ating mga marino, ang pagtanggal ng ICAO sa significant safety concerns sa ating aviation sector, ang pag-alis ng European ban sa ating mga eroplano, at ang pag-akyat natin sa Category 1 ng U.S. Federal Aviation [Administration]. Ipinagbawal mo rin ang pagpapalaot ng barko kapag may bagyo, na nakatulong upang mailayo sa panganib ang pasahero. Bihira na po tayong nakakakita ng balitang parating may barkong lumulubog tuwing may bagyo. Lahat ng ito, naisasantabi dahil sa masalimuot na hamong hinaharap natin sa pampublikong transportasyon. Pinakamalaking halimbawa na nga po ang MRT.


Bihira ang nagbabanggit na may katuwang tayong pribadong korporasyon, na naalala ang kanilang mga karapatan, pero tila ba nalimot ang kanilang mga obligasyon. Ang katuwang na ito, sagot ang maintenance. Dapat, noong 2008, nagkaroon ng general overhaul ang MRT, pero nang suriin ng ating Department of Transportation and Communication, halos pagpipintura lang ang pinagawang overhaul. Sa pagwawalang-bahalang ito, parang ginarantiyang masisira ang tren. Di po ba maski sinong kumpanya, dapat sinisigurong masusulit ang kanilang investment? Pero hinayaan lang nilang lumala nang lumala ang sitwasyon hanggang umabot sa puntong ipinasa na sa atin nang ora-orada ang pagsasaayos ng MRT.


Nang aayusin na natin, bigla naman silang humirit, sila na lang daw ulit. Pero ang mungkahi nilang pagsasaayos, di-hamak na mas mahal kaysa ating plano. Siyempre, katumbas nito, dagdag na gastos at perwisyo sa taumbayan. Hindi tayo pumayag, at kumilos na nga para makakuha nga ng ayuda tulad ng mga bagong bagon. Ang problema, mapilit ang korporasyon, kaya’t pina-TRO nila ang pagbili nito. Kaya umabot sa ganitong sitwasyon ang MRT.


Secretary Jun: Ikaw, ako, at ang buong Kamaynilaan, hindi natutuwa dito. Ang trabaho ng pribado, ipinasa sa atin. Ang solusyon naman natin, hinarang nila. Malinaw nang hindi magtatagpo ang agenda natin at ng MRTC. Ngayon: Humahakbang na tayo para i-buy-out ang korporasyon. ‘Pag naayos ito, ang estado na lang ang tanging magdedesisyon.


Habang sumasailalim sa prosesong ito, nagsasagawa na tayo ng agarang maintenance. Paparating na rin ang mga mas malalaki at pangmatagalang solusyon. Sa susunod na buwan, darating na ang prototype ng bagong bagon; ‘pag pumasa ito sa pagsusuri, mula Enero ay 3 bagon ang sisimulang i-deliver kada buwan hanggang makumpleto ang in-order nating 48. Ongoing na rin ang proseso para sa mga bagong riles, at pag-a-upgrade ng signalling system at automatic fare collection system; inaasahan ang lahat ng ito bago tayo bumaba sa puwesto. Ang power supply para sa mga tren, maa-upgrade bago matapos ang 2016. May 12 escalator na ring maaayos bago matapos ang taong ito, habang ongoing na ang procurement para sa rehabilitasyon ng 34 pang escalator at 32 elevator. Ipapaalala ko lang po: Hindi puwedeng laktawan ang proseso sa mga bagay na ito; ayaw na nating maantala ng kaliwa’t kanang demandahan ang atin pong mga hakbang.


May mga nagsasabi nga pong may blinders daw ako para sa taong matagal na nating kasama sa Daang Matuwid. Ako, mulat sa maganda, pero batid rin natin ang mga hindi maganda. Ako ba ang may blinders, o itong mga pangit lang ang nakikita?


Sa Sandatahang Lakas naman: Noong Nobyembre ng 2010, nagkaroon ng panibagong tensiyon sa pagitan ng North at South Korea; pinangambahang magkakaroon ng giyera doon. Kinailangang magsagawa ng plano para ilikas ang lagpas 46,000 na Pilipinong nasa South Korea, pati na ang walong kababayan nating nasa North Korea.


Nang tanungin natin ang AFP kung anong asset ang magagamit para sa evacuation, ang sagot nila, may nag-iisang C-130 ang atin pong Air Force. Ano ang pinakamabilis na round trip? Sampung oras. Ang lulan: 100 katao. Kinalkula ko po: Lagpas 46,000 ang Pilipinong dapat ilayo sa gulo; ibig sabihin, sa pinakaepisyenteng kondisyon, 460 round trips ito, na higit sa 4,600 oras o tinatayang halos 200 araw na pagbiyahe. Hindi naman maaasahang kakayanin ito ng lumang C-130. Kung barko naman daw ang ide-deploy, 1,000 katao ang kakayaning iuwi sa isang biyahe. Suwerte na kung abutin ng sampung araw ang roundtrip. Kung natuloy ang gulo, baka tapos na ang putukan, di pa tayo nakakapaglikas nang husto. Kumilos tayo agad para matugunan ang mga limitasyon nating ito ng sitwasyon natin noon hanggang sa kasalukuyan.


Ngayon, ang dating nag-iisang C-130 na nagagamit natin, tatlo na, at target nating makakuha ng dalawa pa. May kasama na rin sila; nariyan na ang una sa tatlo nating binili nating C-295 medium lift transports at paparating na po ngayong taon ang dalawang kapatid nito. Asahan na rin natin ang dalawa pang C-212 light lift transports bago matapos ang 2015. [Palakpakan]


Kung patong-patong na pagsubok ang ating kakaharapin, gaya noong nangyari noong 2013, kailangan din natin ng mas marami at mas malalaking assets. Nang tumama si Yolanda, nasira ang mga daungan; naging limitado ang kakayahan nating magdala ng ayuda. Sa ganitong pagkakataon, mahalaga ang tinatawag na landing craft utility na puwedeng dumaong sa dalampasigan. Ngayon, magiging sampu na ang dinatnan nating apat na landing craft utility: Mayroon na tayong BRP Tagbanua. Sa mga susunod na linggo, darating din ang dalawang Landing Craft Heavy mula sa Australia; napakagalante nga po ng pagkakabigay nito, pati spare parts at generator kasama. Target pa nating bilhin ang tatlo; inaayos na natin ang papeles upang sumulong na ang proseso. Dahil sa mga ito, kapag panahon ng sakuna, mababawasan ang pangangailangan nating umasa sa kawanggawa ng ibang bansa. Mas mapapabilis ang paghahatid sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ang ayuda, supplies, at iba pang naglalakihang equipment gaya ng bulldozer na kinakailangan para sa clearing at relief operations. [Palakpakan]


Kung pagtatanod sa ating teritoryo naman ang pag-uusapan, ang F5 fighter jet na niretiro noong 2005, mapapalitan na ng 12 na bagong FA-50 fighter. Sa Disyembre lalapag ang unang dalawang unit niyan, at makukumpleto naman ang delivery pagdating ng 2017. Nariyan na rin ang mga barkong pandigma na BRP Gregorio del Pilar at Ramon Alcaraz, pito sa 13 na in-order nating AW-109 helicopters, anim sa walong Bell-412 helicopters, 617 na troop carrier trucks, at 50,629 assault rifles. Target din nating makuha ang dalawa pang frigates, anim na Close Air Support Aircraft, 142 armored personnel carriers, at iba pang makabagong kagamitan gaya ng 49,135 units ng force protection equipment, 2,884 na grenade launchers, at karagdagang 23,622 na assault rifles. [Palakpakan] Sa kabuuan po, may 56 na tayong proyektong natapos para sa modernisasyon, at may 30 pa tayong inaprubahan; ikumpara ninyo ito sa 45 na proyektong natapos ng tatlong administrasyong nauna sa atin.


Pakinggan natin ang isa sa mga kawal ng ating Air Force:


For the record, sir: Ang Air Force po ngayon ay may force na. May joke or stigma po kasi sa Air Force na dati puro “air,” walang “force.” On behalf of the Air Force, we would like to thank you for the legacy that you’ve put in.


Bago lang po ako sa Philippine Air Force pero sa apat na taon ko sa Philippine Military Academy, napag-aralan namin ‘yung kahalagahan ng air power and air defense. At sa apat na taong iyon, nalaman namin na humihina ang Philippine Air Force. Pero luckily the long wait is over.


Noong December 2012, nilagdaan ni President Aquino ‘yung RA 10349. Nabigyan talaga ng sapat na advancement ngayon ang Philippine Air Force, from its aircraft, its instruments.


Nakaka-boost siya ng morale kasi gaya nga ng kuwento ng mga mistah ko na army. Ang sabi pa niya na, “Mistah, nung narinig ko ‘yung paglipad ng chopper, nabuhayan ako ng loob.”


Isa itong pangarap na unti-unti nang natutupad sa amin.


– Jun Perry, member of the Philippine Air Force [panoorin ang video]


[Palakpakan]


Sa kapulisan naman, sa unang pagkakataon sa ating kasaysayan, ang bawat pulis, may sarili nang baril. Para naman lalong malinang ang kakayahang mag-“shoot, scoot, and communicate” ng ating kapulisan, naipamahagi na ang unang 302 patrol jeeps, na bahagi ng kabuuang 2,523 na pino-procure na natin. Ipinamahagi na rin ang 179 sa 577 na bagong utility vehicles. Naipagkaloob na rin natin ang 12,399 na handheld radios. Nagpo-procure na rin tayo ng 30,136 na long firearms, 3,328 investigative kits, at dagdag pa ring 16,867 na radyo. Pakinggan po natin kung paano ito nakakatulong sa trabaho ng ating kapulisan:


[Sa kauna-unahang pagkakataon, naging 1:1 ang police pistol ratio ng PNP]


Noong naging pulis po ako, noong 2003, naisyuhan ng .38, ‘yung paltik ho na tinatawag natin, ‘yung “de-bola.” ‘Yung mga ibang mga criminal, high-powered po ‘yung mga ginagamit. Kung ikukumpara po ‘yung .38, di-hamak po na mas malayo sa ginagamit po ng masasamang elemento.


Ang ginawa ko po noon, bumili po ako ng sarili ko pong baril. Napakahirap po sa isang alagad ng batas kapag buhay ang nakasalalay. Napakalaki ho ng pagbabago simula po nang magkaroon ang mga pulis ng kanya-kanyang sariling baril. ‘Yung baril na binigay sa amin ng gobyerno ay talagang maaasahan po namin.


[Nailaan na ang 24,940 na mga bahay at lupa para sa mga kuwalipikadong PNP personnel.]


Lahat po tayo, nangangarap na magkaroon ng sariling bahay at lupa. Sa ating gobyerno ngayon naisakatuparan po iyon. Bilang isang alagad ng batas na nasa mababang ranggo, ramdam po namin ang ginagawa ng ating Pangulo na pagpapahalaga sa hanay ng pambansang pulisya. Kailangan suklian ho natin ng magandang bagay ‘yun. Gagampanan ko po nang maayos at matuwid ang aking tungkulin kahit ito’y maging kapalit ng aking isang buhay.


[Naipamahagi na ang 74,879 na Glock 17mm na baril sa ating kapulisan.]


– Melvin Velasquez [panoorin ang video]


[Palakpakan]


Kakambal po ng kagamitan ang estratehiya nating “work smarter.” Isinasabuhay ito ng Oplan Lambat-Sibat na sinimulang ipatupad sa Metro Manila. Pinag-aralan natin ang modus ng mga kriminal, at estratehikong dineploy [deploy] ang ating kapulisan. Kaya nga po nahuhuli ang mga “big fish” na nagmamando sa mga gang, nabubuwag ang mga sindikato, at bumaba ang krimen sa bansa.


Sa loob ng ating termino, halos 163,000 na wanted na ang nahuli ng PNP; higit 1,000 na gang naman po ang na-neutralize, at 29,294 na baril na walang lisensiya ang nakumpiska sa buong bansa. Sa NCR po: Mula Enero hanggang Hunyo ng 2014, nasa 37 ang kaso ng murder at homicide kada linggo. Dahil sa Oplan Lambat-Sibat, bumaba na ito sa 23 kaso kada linggo nitong Hunyo. Sa robbery, theft, at carnapping naman para sa parehong panahon: nasa 444 na lang ang lingguhang average sa NCR, mula sa dating 919.


Nitong nakaraang linggo lang, nahuli na si Dexter Balane, na lider ng robbery and holdup group na kasabwat ng Martilyo gang. Nariyan din ang kilabot na mag-asawang Tiamzon, si Kumander Parago, at ilan pang kadre ng CPP-NPA-NDF gaya nina Ruben Saluta at Emmanuel Bacarra; ang napakailap na si Jovito Palparan, pati na ang mga lider ng BIFF na sina Basit Usman, Mohammad Ali Tambako, Abdulgani Esmael Pagao, at ang international terrorist na si Marwan. [Palakpakan]


Kita po ninyo: Kinakalinga ng Estado ang unipormadong hanay, at sinusuklian nila ito. Sabay ng bagong gamit, itinaas natin ang combat pay ng mga sundalo at subsistence allowance ng buong unipormadong hanay. Nakapagpatayo na rin tayo ng higit 57,000 housing units para sa kanila; aabot pa ito sa mahigit 81,000 bago tayo bumaba sa puwesto. [Palakpakan] Sa mga kampo naman, mayroon tayong mga programang pangkabuhayan, at kasama na sa mga nakikinabang dito ang mga kawal na nasugatan o nabaldado sa paggawa ng tungkulin. Upang magkaroon ng partikular na tuon sa kanila, inatasan ko na po ang AFP na makipag-ugnayan sa Gabinete, upang magsagawa ng mga inisyatibang titiyak na magkakaroon ng disenteng pamumuhay ang mga nagsasakripisyo para sa bayan. [Palakpakan]


Dumako naman po tayo sa imprastruktura. Naaalala ko po noong Congressman ako sa segundo distrito ng Tarlac: ‘Pag tag-araw, maladisyerto ang Tarlac River. ‘Pag umuulan naman, rumaragasa ang ilog, at kasama sa napipinsala ang MacArthur Highway. Tinanong natin, sino ba ang in-charge sa flood control sa aming distrito? Lumapit kami sa Pampanga River Delta Project noon; ang sabi po nila, ‘yung Lower Agno Project daw ang may saklaw nito. Pagpunta naman namin doon, pinabalik kaming Pampanga. Kaysa tulungan kami, nagturuan lang sila.


Tapos na ang panahon ng pag-iwas sa responsibilidad. Sa Daang Matuwid, isa-isang naipatayo ang imprastrukturang matagal nang hinintay ng Pilipino. Nabanggit ko na ang ilan dito: Nariyan ang Lullutan Bridge sa Isabela, na dalawang dekadang hinintay ng mga kababayan natin doon, tulad ni Rodito Albano; [palakpakan] ngayon, nabuksan na. Ang Jalaur River Multi-Purpose Project sa Iloilo, naisip ipatayo noong taong isinilang ako; nag-groundbreaking na po tayo para sa stage 2 nito. [Palakpakan] Ang Balog-Balog Multipurpose Project Phase 2 sa Tarlac, 1980s pa po plinano; ngayon, aprubado na ito, at nagsisimula na ang proseso ng bidding.


Ang Basilan Circumferential Road, taong 2000 pa sinimulang ipatayo, pero matagal nabinbin dahil sa kaguluhan sa lalawigan. Hinahadlangan ng masasamang elemento ang pagpapatayo nito, dahil oras na ito’y maipagawa, magiging mas mahirap ang kanilang pagtakas sa batas; mapapabilis rin ang pagdating ng serbisyo, kaya’t hihina ang impluwensiya nila sa mga kababayan natin doon. Ngayon, tatlong tulay na lang ang tinatapos sa kahabaan nito, pero ang malaking bahagi, dinadaanan na. [Palakpakan]


Nabanggit ko na po ang Muntinlupa-Cavite Expressway na binuksan noong Biyernes. Bukas na rin ang unang dalawang bahagi ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway o TPLEX. Ang Phase 2 naman ng STAR Toll, tapos na rin. Kapag nabuo pa ang Cavite-Laguna Expressway Project, ang C-6 Phase 1, ang Metro Manila Skyway Stage 3, at ang NLEX-SLEX Connector Road, lalong magiging malawakan ang benepisyo ng ating estratehiyang pang-imprastruktura. [Palakpakan]


Para po tugunan ang pagbaha, mayroon din tayong pagsasaayos at maintenance ng flood control projects. Ilan sa mga ito ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project Phase 2, na natapos noong 2013; ang high impact flood control projects para sa NCR at mga karatig-bayan, matatapos na sa Nobyembre, at target naman nating makumpleto ang Blumentritt Interceptor Catchment Area sa susunod na taon. Ang Laguna Lakeshore Expressway Dike naman, ia-award na rin sa Disyembre.


Tiyak ko pong batid ng lahat: Hindi batayan kung kapartido ang pinuno sa lalawigan, o kung nanalo tayo doon; ang tanging tanong natin: May pangangailangan ba? Hayaan po nating magsalita ang ilan sa atin pong mga natulungan:


Ang nangyari po kasi noong tumakbo siyang senator, natalo siya rito saka noong tumakbo na naman siyang presidente, natalo na naman siya. Pero inspite of that, tinulungan pa rin niya ‘yung probinsiya namin. Nakita natin ‘yung style of governance niya.


Nakikita talaga nila ‘yung problema ng isang lugar hindi basing on the post that they garnered. ‘Yung probinsiya namin na neglected talaga before kasi kakapiranggot po ‘yung mga naibibigay na mga pondo. Naglalakad ‘yung mga tao for about two days. So with the construction of this road ang daming mabubuksang opportunities sa mga taga-Apayao dito. Gumanda lalo ‘yung agriculture natin. Napi-feel na nung mga tao ‘yung talagang may gobyerno pala.


Sa Pangulo natin, sana pupuntahan mo naman ‘yung lugar para makita mo mismo ‘yung ginawa mo sa lugar ko, na ‘yung sabi mo noon na napakalayong lugar malapit na lang ngayon dahil maganda na ‘yung kalsada.


–Governor Elias Bulut


____________________


Noong nagkita kami po ni President doon sa Bacolod City, sabi niya ‘wag ko daw ulitin ‘yung humiga sa daan. Ang nangyari po ‘yun kasi, I was on my way up dito po sa Candoni and then eventually natapos na pala ng DPWH. So noong nakita ko ‘yung situation, sobrang naging happy ako. So parang naging spur of the moment na, sige na nga, parang magpa-picture tayo dito.


Basically na-cut in half ‘yung travel time because of the new national road. Candone used to be a very isolated area. And dahil sa pangit pa na daan, ‘yung mga investors ayaw pumunta. But because of the good road as you can see, marami na pong dumadaan na mga public transportation. ‘Yung mga kabataan po natin, instead na maglalakad dahil walang dumadaan na mga public transportation papunta sa school nila, puwede na sila sumakay. When you plant sugar cane, dapat dalhin po ‘yan sa central. So because of the good roads, again, it will be easier, more economical, cheaper.


Mr. President, on behalf of the people of Cauayan, Hino-baan, Ilog, Candoni, Kabankalan, and Sipalay, here in the Province of Negros Occidental, salamat po sa inyong commitment. Salamat po sa inyong mga proyekto at programa. Mabuhay po kayo!


– Rep. Mercedes Alvarez


[Palakpakan]


Kay Governor Bulut, ika-20 ako sa puso ninyo noong Senatorial election noong 2007, ikaapat naman ako noong Presidential elections. Sa mga ipinapatayong estruktura, di naman siguro ninyo masasabing malayo kayo sa puso ko at puso ng ating mga kababayan. Kayo na rin ang testigo: Sa pagkakaroon ng proyekto, hindi boto ang basehan, kundi dapat, pangangailangan. [Palakpakan]


Kay Congresswoman Alvarez naman, na ilang beses na nga pong nagpo-posing nang nakahiga sa mga kalsadang nakumpleto natin: Pasensiya na, Chedeng, pero sa susunod na humiga ka sa kalsada, ipapahuli na kita. Obstruction of traffic ang violation mo. [Tawanan at palakpakan]


Malinaw ang ating estratehiya: Sa pagpapagawa ng mga kalsada, tulay at iba pang estruktura, iniibsan natin ang dapat ibsan, at pinapabilis ang paghahatid ng benepisyo. Ang panawagan ko nga po: Makiambag sana tayong lahat, at maging handang magsakripisyo.


Halimbawa: Para matugunan ang madalas na pagbaha sa Maynila, isinulong natin ang pagpapagawa ng catchment area; pero tumutol po dito ang isang malaking unibersidad. May lumang mga gusali daw kasi silang baka maapektuhan ng gagawing proyekto. Isa pa po: Kailangan nang i-retrofit ang Guadalupe Bridge dahil maaari itong bumigay kapag lumindol. Puwede bang isara ang tulay na ito, nang dadaloy pa rin ang trapiko sa EDSA? Kaya nga hindi puwedeng ipagawa na lang ang tulay nang basta-basta. Para magawa ito, kailangan ng alternatibong daan. May mungkahi at tinatayang 70,000 ang kayang dumaan kada araw dito. Kung magawa ito, ito pong tulay na alternatibo at parallel sa Guadalupe, mapapagawa na ang Guadalupe. Kaya lang po, sa rutang pinili, may mga grupong diumano’y tumututol. Sang-ayon silang maayos ang Guadalupe, sang-ayon silang lumuwag ang EDSA, kung nagkaroon ng panibagong tulay, basta raw ang proyekto, huwag sa kanila itatayo nang hindi sila maabala. Kung ganito nga po ang pananaw, talagang maaantala ang pagpapatayo ng kinakailangan nating imprastruktura.


May mga pagkakataon din pong hindi na nga tayo tinulungan, naglagay pa ng balakid ang nasa lokal na antas. Halimbawa po, may tinamaan ng sakuna. Agad-agad tayong pumunta; sinalubong ako ng Congressman at ng Mayor, pero ang kumausap sa akin, [City] Administrator at Vice Mayor. Ang sabi natin, meron nang kagamitan ang DPWH, at handa na kaming itayo ang temporary shelter n’yo; kailangan na lang ng lupang pagtatayuan. Ang sagot nila, mayroon daw 30 ektaryang puwedeng gamitin. Ang masakit, pagbalik ko, walang kahit anong ibinahagi dahil may paggagamitan daw sila.


Isang horror story lang po iyan. Ang atin po: Kami ay nandito para tumulong. Ipipilit namin ang ayuda hangga’t kaya at naaayon sa batas. Kung ayaw nilang makipagtulungan, ang masasabi ko na lang po: Eleksiyon na sa susunod na taon, at ang mga Boss natin ang huhusga kung sino ang nakabawas o nagpalala ng pagdurusa. [Palakpakan]


Tumungo naman po tayo sa Public Private Partnerships. Kapag pinagsama natin ang solicited PPP projects ng nakaraang tatlong administrasyon, ang suma-total: anim na proyekto. Sa atin, may 50 proyekto na: Ang sampu dito, awarded na; ang 13, nasa bidding; habang 27 naman ang nakapila pa. Kayo na po ang magkumpara sa pagkakaiba.


Dati, walang nakikisali sa proyekto, ngayon, nag-uunahan na ang mga pribadong kumpanya, at nagbibigay ng premium. Suma-total, ang primang natanggap natin mula sa mga kumpanyang katuwang sa PPP, umabot na sa P64.1 billion, na napupunta naman sa kaban ng ating bayan. [Palakpakan] Kada matagumpay na proyekto, magbubunsod din ng higit na kumpiyansa, na siyang magpapabilis sa pagpapatayo natin ng iba pang kinakailangang imprastruktura. Ang pagtitiis ng ating mga Boss, maiibsan, kundi man matatapos na.


Para naman sa imprastrukturang paparating pa lang, hihilingin ko rin: Kalma lang po tayo. Ang procurement, mabilis na ang apat na buwan para makumpleto. Suwerte ka na kung ang in-order mong computer, mai-deliver sa loob ng panahong iyan. Paano pa kaya kung pagpapatayo ng tulay ang pinag-uusapan?


Ang sa akin nga po: Di na baleng hindi ako ang mag-groundbreaking o ribbon-cutting. Ang mahalaga: Gawing pulido at naaayon sa batas ang mga proyekto, para oras na maaprubahan ito, dire-diretso ang pagpapatupad; maski sino ang sumuri, papasa ang kalidad ng ating ipinatatayo. Alam po ito ng ating Gabinete: Sa Cabinet o NEDA Board meeting, minsan na akong nagbirong dapat magdala ng kumot ang mga dadalo, dahil tiyak na gagabihin kami. Personal ko kasing sinisiyasat ang detalye, para ‘pag iniharap ito sa ating mga Boss, sasabihin din nilang, “Aprub kami, dahil nakikita naming tapat ang proseso at tiyak ang pakinabang sa proyekto.”


Napakalaki na po talaga ng pagbabago. Noon ang Pilipino, naglaho ang pag-asa. Ngayon naman po: Sa pinakahuling SWS survey, lumabas na walo sa bawat sampung Pilipino ang tiwalang magiging kahanay, kundi man kahanay na, ang Pilipinas sa “developed countries.” [Palakpakan] Mayroon din pong survey ng Gallup, Inc. Alam po n’yo, isa [ito] sa pinakamatanda at iginagalang na polling agency sa mundo. Tinanong nila ang mamamayan sa 145 na bansa, “Would you say that now is a good time or a bad time to find a job?” Lumabas po na ang Pilipinas ang may pinakamataas na job optimism sa buong Asya-Pasipiko, at pangalawa sa buong mundo. [Palakpakan]


Kumpiyansa nga po ang ating mga kababayan sa estabilidad ng kanilang kinabukasan. Ngayon, maski bagong pasok pa lang sa trabaho ay nakakapaghulog na para sa sariling sasakyan o condo unit. Di na nakakagulat na nitong nakaraang taon, tumaas ng 27 percent ang car sales sa Pilipinas. Ang paniniwala ngayon: Kayang-kaya nang bayaran, di lang ang down payment, kundi maging ang monthly amortization. Sa dami ng nakakapagpundar ng bagong sasakyan, dalawa po sa pinakamalaking kompanyang nagbebenta sa Pilipinas ay inaabot ng dalawa’t kalahati hanggang tatlong buwan bago makapag-deliver ng kotse. Sa sarili ko pong karanasan, noong una akong nagkatrabaho, kinalkula ko kung gaano katagal bago ako makaipon para sa sariling kotse. Dalawampung taon lang naman po ang aabutin, segunda mano pa.


Nakausap din po natin ang mga pinuno ng dalawang malaking kumpanya; ang isa, mayroon nang mga pabrika dito habang ang isa pa ay gusto ring pumasok. Pareho po silang nagpahayag ng interes na magtayo ng research and development facilities dito po sa ating bansa. Nakita nila ang potensiyal at talento ng Pilipinong makatulong upang mapanatili ang kanilang magandang posisyon sa merkado. Ang tanong nila: Kaya ba nating mag-supply ng daan-daang empleadong may masteral at doctoral degrees sa engineering? Ang tugon ng mga kaibigan natin sa DOST: Kayang-kaya. Sabi ko pa po, kung may magbubukas na trabaho sa high-tech na industriya, baka makapagpauwi pa tayo ng mga OFW, na papayag naman sigurong tumanggap ng mas mababang sahod kung mapapalapit sila sa kanilang pamilya. Ang sabi ng mga kausap natin: Hindi kailangang babaan, dahil handa silang tapatan ang suweldo nitong mga kababayan nating ito. [Palakpakan]


Sa sektor din po ng pangingisda, nadarama ang pagbabago sa pagtingin sa Pilipino. Nitong Abril, tinanggal na ng European Commission ang ipinataw nilang yellow card sa Pilipinas. Dahil hindi raw ho dati maayos ang dokumentasyon at tracking, di sila makasigurong nahuli ang mga isda sa legal na paraan. Agad tayong kumilos ang Department of Agriculture upang hindi mapasama sa blacklist ng EU, at hindi mapagbawalang magluwas ng produkto sa kanila. Nang magtungo nga po si Secretary Procy Alcala sa Belgium, sabi sa kanya, huwag daw sasama ang kanyang loob, dahil baka tanungin tayo ng ibang bansang may yellow card pa. Tayo raw kasi ang makakapagturo sa kanila kung ano ang mga dapat gawin para maresolba ang problema. [Palakpakan]


Naalala ko rin po, noong una, pakiramdam ko, kinakausap lang tayo ng ibang pinuno dahil obligado silang kausapin tayo. May ilang halos sermonan tayo nang una nating nakahalubilo. Ngayon, kaliwa’t kanan ang imbitasyon para sa State Visit, may kasama pang papuri. Nakikiusap pa ang iba: Kahit raw dumating tayo sa umaga at umalis din ng tanghalian, basta’t pumunta tayo, ikatutuwa na nila iyon. Nagulat po talaga ako nang minsang may pinuno ng isang pinakamaunlad na bansa, at ang tanong po sa atin, “Ano ba ang inyong sekreto?” Siyempre po, dahil hindi tayo mahilig magbuhat ng sariling bangko, sinagot ko na lang po sa kanya: “Ang sikreto po namin ay sinunod lang namin ang mabuti ninyong halimbawa.” Meron din namang nagtatanong sa atin at maging sa ating mga delegasyon: “Ang ganda ng nangyayari sa Pilipinas; anim na taon lang ba talaga ang termino ninyo? Wala na bang puwedeng magawa dito?” Ang lagi nga po nating tugon, “Nagkaroon kami ng pangulo na talagang gumawa ng paraang manatili sa puwesto. Kailangan naming tiyaking di mabubuksan ang pinto para maulit ito.” [Palakpakan]


Siyempre po, kahit kaliwa’t kanan na ang ebidensiya ng pagbabago, mayroon pa ring kontra sa Daang Matuwid. Ang hirit nila: Mabagal daw tayo. Kapag sila raw ang naging Pangulo, sigurado, gaganda ang buhay. Sa mga medyo may edad po, ang isasagot dito, “Ah, ganun?” sabay taas ng kilay. Para naman sa kabataan, iba na raw po ang tugon nila sa ganoong pahayag, iba na daw po ang uso ngayon eh: E di wow. [Palakpakan]


Ang tanong natin: Paano nila gagawin ang mga pangakong iyan? Ang sagot nila: Basta. Nasaan ang detalye at kongkretong mga plano? Basta. Paano ninyo ipatutupad ang inyong mga pangako? Basta. Pakiramdam yata nila nadadaan sa basta-basta ang solusyon sa ating mga problema.


Wala pa rin talagang gamot na naiimbento para sa mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan. [Palakpakan] Ang payo ko nga po: Maganda siguro, kapag ganitong harapan nang iniinsulto ang talino ng Pilipino, ilipat muna natin ang channel, at baka may mas mapala pa tayo sa panonood ng sitcom.


Ngayon naman po, may ilang mga batas na nais kong ilapit upang sana’y maipasa sa loob ng kasalukuyang Kongreso:


Pangunahin siyempre po dito: Ang Bangsamoro Basic Law. [Palakpakan] Sa mga tutol sa batas na ito: Palagay ko, obligasyon ninyong magmungkahi ng mas magandang solusyon. Kung wala kayong alternatibo, ginagarantiya lang ninyong hindi maaabot ang pagbabago. Ilang buhay pa ang kailangang ibuwis para magising ang lahat sa obligasyong baguhin ang sirang status quo sa Muslim Mindanao?


Pakinggan po natin ang ilan sa mga maaaring makinabang sa batas pong ito:


[Nasa 4.4 milyong kabahayan na ang naitawid sa mas magandang kinabukasan sa tulong ng 4Ps.]


Dati, mahirap lang, walang pagkain. Kinakain namin ‘yung banggala, ‘yung kamote ba. ‘Yun, ‘yun ang kinakain naman kapag umagahan, ‘yun. Kapag hapunan, ‘yun din. Mahirap magtrabaho kapag magsasaka ka, kasi nahihirapan ka tapos kapag ibenta, maliit lang ang nakukuha mo. Naaawa ako sa kanila dahil nahihirapan silang magtrabaho. At iniisip ko na sana makapagtapos ako ng pag-aaral para maiahon ko sila sa hirap.


Grade 6 ako, naibigay dito ‘yung 4Ps. Gumaan ‘yung loob ko kasi may pera na si Tatay para sa pag-aaral ko. Naisip ko, noong walang 4Ps, wala akong mga notebook o sapatos man. Wala ako noon, pero ngayong may 4Ps na, naglakas-loob ako na magpursigeng mag-aral, kasi para matulungan ko ‘yung mga magulang ko.


Nagpapasalamat ako sa mga DSWD at ‘yung mga gobyerno dahil naisip nilang ibigay ito sa mahihirap. Kung hindi dahil sa kanila, hindi mababago ‘yung pamumuhay namin.


– Nor-ashia Binatac, 4Ps beneficiary [panoorin ang video]


[Palakpakan]


____________________


Grabe ang kawalang-hustisya noong mga oras na ‘yun. Kasi, oras ‘yun ng Martial Law, parang mga hayop lang ang tingin nila sa amin. Pinagmamasaker, pinagpapapatay nang walang kalaban-laban. Isa na ‘yung pamilya ko sa mga pinagmamasaker ng mga sundalo na ‘yan eh. ‘Yun ang masakit sa amin kaya nandito kami ngayon, sumasali sa MILF para ipaglaban ang karapatan namin.


Naisip ko na sumali sa grupo ng MILF, ang prinsipyo namin ay ang nasshur awis-shahada. Halimbawa sa gobyerno ng Pilipinas, dahil doon sa panahon ni Erap pulbusin ang mga taga-Mindanao. Siyempre kahit sinong mga Muslim makakaisip na ipaglalaban ang prinsipyo.


Kapag Muslim ka, Bangsamoro ka, terorista ‘yan kaya di binibigyan ng trabaho baka masira ang isang kumpanya.


Alhamdulilah. Dumating ang Sajahatra. Mas naengganyo po tayo rito kasi ang lecture sa amin, tapos ina-actual. Ang sa akin lang po, ito na po siguro ang daan upang mabigyan na sila ng tahimik na pamumuhay, mabibigyan sila ng livelihood para hindi na sila maghihirap.


Since 1972, hindi ko naramdaman, naranasan na maging isang mapayapa ang Bangsamoro. Eh ngayon, kung saka-sakaling matupad, Insha Allah, mamumuhay kami nang mapayapa.


– Nadjieb Sanquila and Hadid Hassan, MILF combatants [panoorin ang video]


[Palakpakan]


Inilalapit din po natin sa Kongreso ang Rationalization of Fiscal Incentives. Kung maipapasa ito, maitatama ang papatsa-patsang sistema ng pagbibigay insentibo at magiging mas makatwiran ang pagbubuwis sa mga negosyo. Hinihiling rin namin ang agarang pagtutok sa Unified Uniformed Personnel Pension Reform Bill, para tuluyang maisulong ang isang makatarungang sistemang pampensiyon para sa kanila. Agaran po sanang maipasa ang batas na ito, dahil ngayon pa lang, trilyong piso na ang kakailanganin para pondohan ang pensiyon ng unipormadong hanay. Kailangan ng awtorisasyon ng batas para matugunan ang masalimuot na sitwasyong ito.


Bukas na bukas naman po ay makakarating na sa inyo ang panukalang budget para sa susunod na taon. Hindi pa po tayo nabibigong ipasa ito sa tamang oras; umaasa nga po ako, na mapapanatili ang tamang kalakarang ito ngayong nasa huling yugto na tayo ng ating administrasyon. [Palakpakan]


Naaalala ko rin po: Kumontra akong pagkaitan ang isang tao ng karapatang tumakbo sa puwesto, dahil lang sa kanyang apelyido. Bakit nga naman tayo gagawa ng batas para pigilang maglingkod ang gustong maglingkod?


Pero napapaisip po ako: May mali rin sa pagbibigay ng pagkakataong habambuhay na magpakasasa sa kapangyarihan ang isang tiwaling pamilya o indibidwal. Ganyang kaisipan din ang dahilan kung bakit, noong may nagmungkahing manatili pa ako sa puwesto—kahit raw dagdag na tatlong taon lang—ako mismo ang tumutol dito. Di tayo makakasiguro kung malinis ang intensiyon ng mga susunod, o kung nanaisin lang nilang habambuhay na maghari-harian para sa sariling interes. Panahon na para ipasa ang isang Anti-Dynasty Law. [Palakpakan]


Dahil sa Kongreso, naipasa ang mga batas na kikilalanin bilang haligi ng transpormasyong sinisimulan natin ngayon. Sa Kamara at Senado, lalo na sa mga kasapi ninyong naging kabalikat sa Daang Matuwid nitong mga nagdaang taon: Salamat sa Philippine Competition Law, sa Act Allowing the Full Entry of Foreign Banks, [palakpakan] at sa pag-amyenda sa Cabotage Law. Salamat sa Sin Tax Reform Act. Salamat sa Responsible Parenthood Act. [Palakpakan] Salamat sa lahat ng iba pang makabuluhang batas na inyong ipinasa. Tunay nga pong napakalaki ng naiambag ng isang Kongresong determinadong maging katuwang sa pagsusulong ng pagbabago. [Palakpakan]


Kanina po, minabuti kong pag-usapan kung saan tayo nagmula upang bigyang-konteksto ang mga hamong hinarap, hinaharap, at haharapin pa natin. Lahat po ng batikos, panlalait, at pang-aalipusta, tinanggap ko bilang kakabit ng pagkakataon at karangalang pagsilbihan kayo. Pero ang totoo, hindi ko ito pinasan nang mag-isa. Hinihingi ko po ang oras ninyo para pasalamatan ang mga naging inspirasyon at katuwang; maunawaan po sana ng iba kung hindi ko sila mababanggit.


Unang-una po, siyempre, ang Panginoong Maykapal na sa bawat sandali ay ginabayan ang ating bansa. Sa aking ama at ina, [palakpakan] na sa paglaban sa pang-aabuso at sa pagsasakripisyo ay naging bukal ng inspirasyon, hindi lang sa aming pamilya, kundi maging sa sambayanan;


Sa atin pong Gabinete, na nabanggit ko na ang ilan sa kanila kanina; hayaan po ninyo akong magpatuloy:


Unang-una, kay Executive Secretary Jojo Ochoa, na tinaguriang Little President. [Palakpakan] Sa mga magulang pa natin nag-umpisa ang matibay nating pag-uugnayan. Nagdamayan tayo sa maraming hamon sa buhay. Ang private practice mo, nasakripisyo sa mahabang panahong naglingkod ka, una sa Quezon City man o sa aking administrasyon. Lahat ng nalalaman mo sa batas, ibinahagi mo sa akin. Hindi mo ako iniwan, kahit sa mga panahong may banta sa ating buhay. Pare, mapalad akong nagkakilala tayo, naging magkaibigan, at magkasangga sa paglilingkod sa ating mga Boss; [palakpakan]


Kay Secretary Rene Almendras, na kabalikat ni ES Ochoa at naturingang bastonero ng Gabinete: Sabi nga ng iba, dati ang kinis pa ng noo mo, ngayon nagmistula nang humps sa barangay dahil sa pakikisalo mo sa mga kailangan nating harapin;


Kay Secretary Albert del Rosario: [palakpakan] nanumpa ng Biyernes; pagdating ng Linggo, nasa Libya na para pamunuan ang evacuation ng mga OFW na nalagay sa peligro noong panahon ng Arab Spring. Di ko kailanman pinoproblema ang pag-motivate sa iyo; at kung may debate man tayo, nangyayari lang dahil inaawat kita sa pagbiyahe sa pinakamapapanganib na lugar sa mundo;


Kina Secretary Cesar Purisima at Arsi Balisacan: [palakpakan] Pinalad ang bansa sa tandem ninyo. Mula sa big picture, hanggang sa pinakamaliit na detalye, kayo ang nagsisigurong nadadama ng bawat Pilipino ang pag-unlad ng ating ekonomiya. [Palakpakan] Siyempre, ang ilan sa malalaking patunay nito, nagawa sa tulong ni Usec. Cosette Canilao at ng lahat ng bumubuo sa ating PPP center; [palakpakan]


Kay Secretary Greg Domingo, ang ating pambansang salesman na umakit sa mga negosyanteng mamuhunan sa bansa, [palakpakan] at kay PEZA Director General Lilia de Lima. Inutusan ko na po ang DOST sa pagko-clone kay Lilia de Lima.


Kay Secretary Babes Singson, ang prayer leader ng Cabinet, [palakpakan] tagapagtatag ng mga kongkretong patunay ng transpormasyon, at nagbalik ng tiwala ng taumbayan sa DPWH;


Kay Secretary Mon Jimenez, [palakpakan] isa sa pinakapinagkakatiwalaan nating boses sa Gabinete. Talagang “It’s more fun in the Philippines,” at dahil nga sa pagsisikap mo, umabot sa 4.8 million ang turistang dumalaw sa bansa at direktang lumikha ng trabaho; nagpapasalamat din ako sa kanyang maybahay na si Abby, na tinulungan tayong ilagay sa imahen at salita ang agenda ng positibong pagbabago;


Kay dating Energy Secretary Icot Petilla, na kahit wala na sa aking opisyal na pamilya ay nakikiambag pa rin; [palakpakan]


Kay Secretary Volts Gazmin, [palakpakan] na nagtitimon sa ating Sandatahang Lakas at sinisigurong lagi tayong handa sa sakuna: Kailanman ay hindi mo kami binigyan ng dahilang mangamba;


Kay Secretary Cesar Garcia, ang ating National Security Adviser, na kahit kakaopera pa lang sa tuhod ay napakabilis sumagot sa aking mga text;


Kay Secretary Janette Garin, [palakpakan] na sumalubong sa MERS, Ebola, food poisoning, encephalitis, at sa sunod-sunod na mga banta sa ating kalusugan. Janette, ang katatagan mo ang nagpapatatag sa ating lahat;


Kay Secretary Dinky Soliman, [palakpakan] na on-call 25 hours a day, 8 days a week, idamay ko na rin lahat ng iyong naging executive assistants, na pagka-graduate sa DSWD ay puwede nang isabak sa anumang krisis sa buong mundo. Dinky, tuwing tatawagin kita ay laging hawak mo na ang tala ng problemang dapat tugunan, ang mga ginagawang hakbang, at ang mga natitira pang dapat gawin. Isang usapan lang, malinaw nang inaasikaso mo ang lahat ng dapat asikasuhin; [palakpakan]


Sa mga nagtitiyak na may sapat na kaalaman at kakayahan ang susunod na henerasyon, sina Secretaries Armin Luistro, Tatti Licuanan, at Joel Villanueva; [palakpakan]


Kay Secretary Mario Montejo, na tumulong magbalik ng pag-asa sa PAGASA, at talagang nagsikap upang iparamdam ang papel ng agham sa pagpapaunlad ng bansa; [palakpakan]


Kina Secretaries Procy Alcala at Kiko Pangilinan, na nagbubunga na ang repormang ipinunla sa sektor ng agrikultura; [palakpakan]


Kay Secretary Gil de los Reyes, na hindi natitinag sa pagsulong ng makatarungang repormang agraryo, gaano man kasalimuot ang hamong hinaharap; [palakpakan]


Kina Secretaries Ramon Paje, Neric Acosta, at Lucille Sering na ipinakitang nakatali ang malawakang kaunlaran sa pangangalaga ng ating likas na yaman; [palakpakan]


Kay Secretary Mar Roxas: Nasa loob o labas ka man ng gobyerno, [palakpakan] hindi tumigil sa panlalait sa iyo ang mga kalaban ng Daang Matuwid. Dahil nga may bilang ka, dahil talagang may ibubuga ka, nagpupursigi silang ibagsak ka. Palibhasa hindi nila kayang iangat ang sarili, kaya pilit ka nilang ibinababa. [Palakpakan] Sa patuloy nilang paninira, ang mga kritiko mo na rin ang nagpapatunay na takot sila sa angkin mong integridad, husay, at kahandaan sa trabaho. Mar, pinatutunayan mo: You can’t put a good man down. [Palakpakan] Tulad ng pagtitiwala ng nanay at tatay ko, magtiwala kang alam ng taumbayan kung sino ang tunay na inuuna ang bayan, bago ang sarili; [palakpakan]


Kay Secretary Butch Abad, [palakpakan] na kahit pa ba pinaulanan ng di-makatarungang paratang ay patuloy sa pagsigurong ang pera ng bayan ay mapupunta sa taumbayan lamang;


Kina Secretaries Edwin Lacierda at Sonny Coloma, dating Secretary Ricky Carandang, at kina Usec. Abi Valte at Manolo Quezon: [palakpakan] dama ko ang bigat ng pinasan ninyo sa pagsagot sa lahat ng uri ng tanong—may saysay man o wala—para maiparating sa ating mga kababayan ang angkop at tamang impormasyon;


Kina Solicitor General Florin Hilbay at Chief Presidential Legal Counsel Ben Caguioa, [palakpakan] na ipinakita ang karangalan at katapatang angkop sa pagiging mga pangunahing abugado ng Ehekutibo;


Kay Secretary Ging Deles, kasama na si Chair Iye Coronel-Ferrer, na walang kapagurang isinusulong ang isang mapayapang Pilipinas; [palakpakan]


Kay Secretary Julia Abad, na sinisigurong matututukan ko ang lahat ng aking responsibilidad; [palakpakan] sa iyo ako bumabaling para sa agarang aksiyon kaya madalas, ikaw din ang sumasalo ng una kong reaksiyon. Sa kabila nito, lagi ka pa ring cheerful;


Sa iba pang Kalihim na sumasagot ng telepono kahit madaling-araw tawagan: Yasmin Busran-Lao, Francis Tolentino, Lu Antonino, Joel Rocamora, Mely Nicolas, Ronald Llamas, Cesar Villanueva, at Manny Mamba; [palakpakan]


Sa mga hindi kasapi ng Gabinete, pero nakipanday sa Daang Matuwid: Si Governor Say Tetangco, na napakahusay ng pangangasiwa sa Bangko Sentral; [palakpakan] si Governor Mujiv Hataman ng ARMM; [palakpakan] si Chito Cruz ng National Housing Authority; [palakpakan] si Gerry Esquivel ng MWSS; [palakpakan] at isama ko na rin po si Chairman Bong Naguiat ng PAGCOR na hindi bumili ng kape; [palakpakan]


Sa mga dating naglingkod sa Gabinete na talagang nagpakitang-gilas, lalo na sa yumaong si Sec. Jesse Robredo, [palakpakan] na hanggang ngayon po ay nagsisilbing inspirasyon para sa aming lahat;


Kay Senate President Frank Drilon at Speaker Sonny Belmonte: [palakpakan] na talagang nagbigay ng makabuluhang payo sa harap ng mga pinakakomplikadong hamon; kay Cong. Boyet Gonzales at Mel Sarmiento, [palakpakan] at sa iba pang naging katuwang natin sa pagtahak ng Daang Matuwid;


Sa lahat ng pinuno at kasapi ng unipormadong hanay, na buong tapang at kagitingang ipinagtatanggol ang ating mga Boss at nakikiambag sa seguridad, hindi lang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang panig ng daigdig; [palakpakan] sa lahat ng nagtatrabaho sa iba’t ibang sangay ng gobyerno at tunay na naglilingkod sa kapwa Pilipino;


Sa mga negosyante, business federation, at iba pang kabalikat natin sa sektor ng industriya, na nakikiisa sa pagpapaganda ng ating ekonomiya;


Sa mga miyembro ng media na naging patas sa kanilang pagsipat; [palakpakan]


Sa lahat ng sinamahan tayo sa pagtahak ng Daang Matuwid; partikular ko na pong babanggitin si Deedee Sytangco na nagpahayag ng pagsuporta, lalo na sa panahong mabigat ang problema, [palakpakan] sina Alice Murphy at Yoly Ong, na naging bukal ng makabuluhang payo at inspirasyon nitong mga nakaraang taon; [palakpakan]


Sa grupo po nina Jun Reyes at Gigi Vistan na kasama na natin mula pa noong tumakbo ako para sa Kamara hanggang sa Senado. Jun at Gigi, buong pasensiya ninyo akong ginabayan sa tamang bihis, tindig, at pagsalita: Alam ninyong hindi ako tulad ni Kris na sanay sa kamera, at kahit biniro ko kayo na mukhang imposible ang trabaho, naging propesyonal at maaasahan kayo;


Sa aking mga tagapayong espirituwal na sina Father Catalino Arevalo, Sister Agnes, at Father Jett Villarin, [palakpakan] pati na kina Cardinal Chito Tagle, Cardinal Orlando Quevedo, Ka Eduardo Manalo, Bishop Soc Villegas, Bishop Jonel Milan, Brother Eddie Villanueva, at sa ating religious sector, at sa lahat ng nagpapatuloy, nagdarasal para sa atin, maraming salamat po;


Sa mga tulad ni Joe America, isang blogger na di ko man kakilala ay isinulat: “If the President were in my foxhole, I’d watch his back. That’s because I trust that he is watching mine.” [Palakpakan] Salamat sa iyo at sa iba pang dayuhang nagpamalas ng pakikiisa sa ating agenda ng pagbabago;


Sa mga kabataang tulad ni Francesca Santiago, na sa murang edad pa lamang ay nagpapakita ng pagmamahal sa bayan;


Kay Noel Cabangon at iba pang kasapi ng sektor ng sining at kultura na ipinahiram ang kanilang talento upang ipahayag ang pagbabago; [palakpakan]


Sa aking Ate Ballsy, mga kapatid na sina Pinky, Viel, Kris, at sa aking mga bayaw at pamangkin; [palakpakan] panahon pa nina Mom at Dad, karamay ko na kayo. Nalalapit na ang araw kung kailan hindi ko na kayo kakailanganing idamay sa dagdag pang sakripisyo;


Special mention din po: Kina General Chito Dizon na dating pinuno ng Presidential Security Group, at sa kasalukuyang timon nito na si Commodore Raul Ubando, na dadalawang linggo pa lang sa puwesto ay nag-baptism of fire na sa krisis sa Zamboanga; [palakpakan] si Lt. Col. Francis Coronel na head ng aking close-in security, at sina SPO4 Lito Africano at PO3 Bong Fuyonan, na napakatagal na pong kasama at pinangangalagaan ang seguridad natin; [palakpakan] sa buong PSG, na ipinakita ang propesyonalismo sa pagprotekta hindi lang sa akin, kundi pati kina Pangulong Obama at Pope Francis: Huwag kayong mag-alala, may 21 world leaders pang darating para sa APEC. Karamay ko kayo sa hirap at ginhawa. Malamang, mamaya, bago kayo matulog, baka magkatanungan kayo kung bakit napakaraming hirap at kung nasaan ang ginhawa; parating na po tayo diyan.


Kay Asec. Susan Reyes, ang ating Social Secretary, [palakpakan] na nagpapatunay na di kailangang maging magarbo para itaas ang dignidad ng ating tanggapan; kay Paul Cabral, na laging sinisigurong maayos ang aking kasuotan, [palakpakan] tuloy akala nila mayroon akong fashion sense; at kay Cherry Reyes, na nag-aayos ng aking buhok [tawanan], at nagmimistulang economics practitioner dahil pinupunuan niya ang unlimited wants with very limited resources; [tawanan]


Sa mga kasapi ng aking Private Office sa MalacaƱang, lalong-lalo na kina Usec. Rochelle Ahorro at Asec. Jun Delantar, [palakpakan] na karamay ko sa stress sa maraming pagkakataon;


At gusto ko pong ipakilala sa inyo, sa mga hindi nakaaalala sa inyo, si Yolly Yebes, na namamahala sa aking tahanan. [Palakpakan] Sinisiguro mong nakakakain ako sa tamang oras, inaayos ang aking gamit tuwing may biyahe sa Pilipinas man o sa ibang bansa, at kung minsan pa nga ay pinagkakatiwalaan pa kitang humawak ng dokumento at nabibilinan para sa aking trabaho. Tunay mong ipinaparamdam ang iyong kalinga hindi lang sa akin, kundi pati sa mga katrabaho ko sa gobyerno. Kapag sinabi ko sa iyong, “may meeting tayo, pakihanda mo naman ang makakain,” hindi mo na ako tinatanong ng “kailan” o “ilan”; hindi mo na ako pinag-aalala, tinitiyak mo na lamang na lahat ng kailangan ay maasikaso. Yolly, minabuti kong personal mong mapanood ang SONAng ito, para masabi ko sa iyo: Maraming salamat sa pakikiambag mo. [Palakpakan]


Sa mga hindi nagdalawang-isip na tumulong sa repacking ng relief goods sa panahon ng sakuna; sa bawat Pilipinong naghandog ng anumang halaga at nagpaikot ng alkansiya para magdala ng pagbabago; sa lahat ng nagparamdam ng suporta, sa text man, liham, o personal; sa bawat batang yumakap sa aking binti at tiningala ako para ngitian; sa bawat estudyanteng nakipag-selfie; sa lahat ng nakisiksik para makipagkamay:


Mga Boss, baka nga po bahagi ng planong wala pa akong katuwang sa buhay o anak, kaya ang naging tutok ko lang ay ang taumbayan. Sa trabahong ito, para akong punching bag na tinapalan ng katakot-takot na duct tape. Pero hindi ako natinag dahil nasa likod ko kayo. Tunay ngang hindi ako nag-iisa. [Palakpakan] Ang kongklusyon ko nga po sa lahat ng ito: Talagang ginagabayan pa rin ako ng aking mga magulang; totoong mahal tayo ng Diyos. Sa inyong lahat: Maraming-maraming salamat. Napakalaking karangalan ang pamunuan po kayong lahat. [Palakpakan]


Ang pasasalamat pong ito, may kasamang panawagan. Ang mga naipunla sa Daang Matuwid, nagdadala na ngayon ng ani, at magdadala ng mas mayabong pang ani sa mga susunod na panahon. Pero mangyayari lang ito kung didiligan at babantayan pa natin ang pananim.


Ilang halimbawa po: Hindi puwedeng putulin na lang ang pagtutok sa modernisasyon ng AFP. Sa Pantawid Pamilya, kapag naitawid na ang bottom 20 percent tungo sa susunod na antas, kailangang siguruhing hindi sila basta-basta babalik sa kahirapan kung tamaan ng sakit o sakuna.


Sa disaster management: Dahil sa malasakit sa isa’t isa, at sa aktibong ugnayan sa mga local government units, naibangon agad natin ang Bohol at Cebu matapos ang lindol. Sa Zamboanga at Tacloban naman, agad nating tinugunan ang pangunahing pangangailangan. Mula sa agarang paghahatid ng pagkain at pagsigurong walang outbreak ng sakit; sa mabilisang pagbabalik ng kuryente, at pagbubukas ng mga kalsada; hanggang sa pabahay at programang pangkabuhayan, ibinuhos at ibinubuhos ng pambansang gobyerno ang lahat ng makakaya. [Palakpakan] Pero may mga natitira pa pong gawain: May mga komunidad pa rin tayong namumuhay sa peligrosong lugar na kakailanganing ilayo sa panganib. Para naman sa rebuilding, kailangang paigtingin ang ugnayan ng lokal at pambansang antas, para mapabilis ang mga tinatapos natin.


Sa ugnayang panlabas: Ginawa at ginagawa rin po natin ang lahat para maging responsableng miyembro ng pandaigdigang komunidad; sa bawat hakbang, ang hinihiling lang natin ay ang makatwiran at naaayon sa batas. Ang problema ng lahat, isinulong nating solusyonan ng lahat, at hindi ng iilang panig lamang. Alam din po ninyo, may hinaharap tayong hamon sa West Philippine Sea. Ang ating kabangga, di-hamak na mas lamang, sa impluwensiya man, ekonomiya, o puwersang militar. Pero sa batayan ng katwiran at pagmamahal sa bayan, hindi po tayo nahuhuli. Kaya gaya sa lahat ng iba pang suliranin, pagkakaisa po ang tanging susi para mapangalagaan ang ating karapatan.


Mga Boss, sa totoo lang, sa mga hinarap nating hamon, puwede namang nagbigay na lang tayo ng band-aid solution. Puwedeng nag-abot na lang tayo ng isang supot ng relief goods, o nakipagsiksikan sa mga photo-op. Pero alam naman nating sa Pilipinas, galit ang tao sa epal. Aanhin nga naman ang pogi points kung magpapamana lang din naman ako ng problema sa susunod na salinlahi? Sa bawat pagkakataon, hinahanap natin ang tunay na sanhi ng mga problema, at naglalatag ng malinaw at pangmatagalang estratehiya upang malutas ito. Ang mga hamon ng bansa, kung hindi man nalutas na, ay nasimulan na ang mga hakbang upang marating ang permanenteng solusyon.


Iyan nga ang napakalaking pagkakaiba. Dati, walang pag-asa. Ngayon, inaasahan, inaabangan, at madalas nga po ay minamadali pa natin ang gobyernong solusyonan ang mga problemang ating hinaharap.


Magbalik-tanaw po tayo: Sa dami ng mga maling kinailangan nating iwasto, hindi lang tayo nanggaling sa zero, sa negative pa tayo nagmula. Negative sa kasangkapang gumawa ng pagbabago. Negative sa pagkakataon. Negative sa pag-asa. Binuno natin ang lahat ng kakulangan; nagdala tayo ng positibong pagbabago, at lampas-lampas pa talaga sa ating inaasahan ang ating narating.


Pakinggan po natin ang ilan pang testimonya nito:


Sa 25 years na pagtrabaho ko dito sa PAGASA, nakita ko po kung paano nag-improve ang aming facilities especially ngayong term ng ating Presidente.


Dati, bulag ‘yung PAGASA. Sa ngayon, dahil sa mga radar natin at sa mga observation stations na naidagdag, napakalaki ng improvement. Malaki ang pinagbago ng PAGASA. Kasi dati ‘pag taga-PAGASA ka, parang hindi kami acknowledged dahil siguro mababa ‘yung quality ng aming work. Pero ngayon dahil nga sa mga bagong mga equipment, accurate na ‘yung mga aming forecast. Pag taga-PAGASA ka, sikat ka na.


[Palakpakan]


[Parang wala kaming tiwala sa mga pulitiko noon. Marami silang mga pangako, tapos hindi naman ibinigay.]


‘Yung uri ng pamamahala ni Presidente PNoy, walang maliit, lahat ay mahalaga. Dapat hinahatid ‘yung serbisyo kahit hanggang sa pinakamalayong isla kagaya ng Dinagat. Malaki ang pagbabago. Tulad ‘yung mga sitio, ‘yung hindi maabot ng kuryente, binigyan ng mga generator. Tulad ‘yung mga kalsada natin.


[Malaki talaga ang paniniwala namin sa gobyerno natin ngayon. Kung hindi lang siguro si PNoy ang Presidente at hindi si Congresswoman, hindi rin namin alam kung magkaganito ba rin kami ngayon.]


Nagpapasalamat ako sa ganoong uri ng pamamahala na nagiging model ng pamamahala ng maraming leaders. ‘Yung paniniwala na kapag nagsabi tayo na serbisyo ng gobyerno, ‘yung serbisyong nakikita, ‘yung nararamdaman, ‘yung pagbibigay ng inspirasyon sa mga taong umasa, mangarap, na puwede pala akong magsikap, mayroon palang kahihinatnan ‘yung pangarap ko na ito na lahat ay importante, walang maliit.


–Congresswoman Kaka Bag-ao [panoorin ang video]


[Palakpakan]


Mga Boss, kung hindi mapapatid ang transpormasyon, makatwiran nga pong sabihin: Tikim pa lamang itong nakamtan natin; parating pa lang ang tunay na ihahain. Ang sabi nga po natin: You ain’t seen nothing yet. [Palakpakan]


Nabanggit ko po kanina ang SWS survey na hindi masyadong naibalita: 8 out of 10 na mga Pilipino, naniniwalang developed o magiging developed country tayo sa hinaharap. Ito po, pananaw ng ating mga kababayan. Pero ang mga ekonomista po mismo ng NEDA, pinag-aralan ito sa siyentipikong paraan, at pareho ang kanilang kongklusyon.


Tingnan natin: Mula 2010 hanggang 2014, nagtala tayo ng average GDP growth na 6.2 percent; ito ang pinakamasiglang yugto ng ating ekonomiya sa loob ng 40 taon. [Palakpakan] Kung aabot po tayo sa 6.8 percent ngayong 2015, makakamtan natin ang pinakamataas na six-year average growth sa loob ng halos anim na dekada. [Palakpakan] Siyempre po, ang pag-angat ng ekonomiya, may katumbas na pag-angat ng kakayahan ng gobyernong kumalinga at magbigay-lakas sa mamamayan upang masagad ang mga bumubukas na pagkakataon.


Nakikita po ninyo, kung hindi tayo maaantala, kung magtutuloy ang Daang Matuwid, sa loob ng isang henerasyon, first world na raw po tayo. Kung magpapatuloy ang mga repormang bukal ng paglago ng ekonomiya, paglaon, ang tinitingala nating mga bansa, makakapantay na natin, kundi man malalampasan. [Palakpakan] Ito po ba, inambisyon ng kahit sino sa atin noong tayo’y nagsisimula?


Sa kabilang banda naman, kung tayo’y babalik sa baluktot, habambuhay tayong mag-aabang sa wala. Muli tayong mapapag-iwanan, at mababali ang pataas na trajectory ng ating ekonomiya.


Napakaganda na talaga ng ating naipunla, at nagbuhos na tayo ng matinding pagod at sakripisyo upang diligan ito. Sino ba namang nasa tamang isip ang bigla na lamang puputulin ang puno, kung kailan nagsisimula pa lang nating pitasin ang mga unang bunga nito?


May sentimyentong umiiral na sa tingin ko, mahuhuli ng isang tanong. Ang tanong po nila, “Lahat ba ng ating naipundar, lahat ba ng ating pinaghirapan, maglalaho dahil lang sa isang eleksiyon?” [Palakpakan at tawanan] Sa ganitong pananaw, ang susunod na halalan ay referendum po para sa Daang Matuwid. Kayo ang magdedesisyon kung ang pagbabago bang ating tinatamasa ay magiging permanente, o tatanawin lang bilang tsamba at panandaliang pagbangon sa isang mahabang kasaysayan ng pagkadapa.


Ang tanong: Tama ba itong landas na tinatahak natin? Kung sasabihin ninyong hindi, para na rin ninyong sinabing “Mas gusto ko sa dati; bumalik na lang tayo sa baluktot.” ‘Pag iyan po ang inyong itinugon, ako’y mananahimik na lang.


Pero kung ang tugon naman ninyo ay “Oo,” tulad ng lagi, ako naman po’y handang maging inyong dakilang alalay. Maski sa pagbaba sa puwesto, hanggang sa aking huling hininga, makakaasa kayo, gaya ng walang patid ninyong pananatili bilang aking lakas, hindi rin kayo mag-iisa; sasamahan ko kayo, tatabihan ko kayo, magkakapit-bisig nating isasabuhay ang Daang Matuwid. [Palakpakan]


Mga Boss, aaminin ko: Ni minsan po, hindi ko sinabing ako’y perpekto. Minsan, binigo tayo ng ilang inasahan nating alam dapat ang kanilang trabaho. Sa mga panahong tila gumana ang pagpapaduda, baka hindi rin namin nahanap agad at naibahagi ang impormasyon sa oras at sa paraang nais ninyo. Hinihingi ko po muli ang inyong pag-unawa sa mga bagay na ito.


Sa kabila nito, mahaharap ko ang sinoman at masasabing: Ginawa ko ang pinakamainam na desisyon batay sa kaalaman at kakayahang mayroon tayo sa panahong iyon. Kaisa-isang interes ko ang kapakanan ng aking Boss. Ginawa ko ang lahat upang iwanang mas makatarungan, mas maunlad, at tumatamasa ng makabuluhang pagbabago ang ating bansa. [Palakpakan] Hahayaan ko na pong kasaysayan ang humusga. Gaya nga po noong burol ng aking ina, bibigkasin ko ang Ikalawang Aklat ni Timoteo, Kabanata 4, Bersikulo 7: “I have fought the good fight, I have finished the race, I have kept the faith.” [Palakpakan]


Mga Boss, nanggaling tayo sa sitwasyon kung saan tila nababalot ng kadiliman ang ating bansa; ni hindi natin masigurong may liwanag pang paparating. Binabati na tayo ng bukang-liwayway ng katarungan at pagkakataon.


Nakita naman ninyo ang mga naabot natin. Narinig ninyo ang kuwento ng kapwa natin Pilipinong pinatunayan ang kayang maabot gamit ang sariling lakas, ang pagbabayanihan, ang hindi pag-uunahan, ang pag-aambagan tungo sa katuparan ng kolektibo nating mga adhikain. Ngayon, taas-noo na tayong humaharap sa buong mundo at nasasabing, “Kaya ko. Kaya ng Pilipino. Simula pa lang ito.” [Palakpakan]


Opo, simula pa lang ito. Simula pa lang ng isang bansang hindi mapapayuko, bagkus ay nagiging huwaran ng paninindigan sa buong mundo. Simula pa lang ng ginhawang bunga ng kalayaan mula sa katiwalian. Simula pa lang ng lipunan kung saan ang bawat Pilipino, kung magbabanat ng buto, kung gagawin ang tama, ay tiyak na aasenso. Simula pa lang ito, at hinahamon tayo ng kasaysayang diligan ang transpormasyon, upang magbunga ito ng mas marami pang pagkakataon para sa mga susunod na salinlahi.


Simula pa lang ito. [Palakpakan] Nasa unang yugto pa lang tayo ng dakilang kuwento ng sambayanang Pilipino. Sa gabay ng Panginoong Maykapal, at sa patuloy nating pagtahak sa Daang Matuwid, lalo pang tatayog ang mga pangarap na maaabot natin. Lalo pang lalawak ang kaunlarang tinatamasa natin. Nasasainyo pong mga kamay ang direksiyon natin.


Magandang gabi po sa inyong lahat, maraming salamat sa inyong lahat po.


[Palakpakan]

Popular Posts