Halo Halong Pinoy

Thursday, September 18, 2008

Inaugural speech of President Joseph Estrada

PASINAYANG TALUMPATI SA BANSA NI PANGULONG JOSEPH EJERCITO ESTRADA

Quirino Grandstand, Rizal Park, Manila
Hunyo 30, 1998

Magandang hapon sa inyong lahat.

Papalubog na ang liwanag, at malapit nang kumagat ang dilim. Gayunpaman, ngayong hapon ay nagsisimula na ang isang bagong araw. Ang araw ng lahing Pilipino. Ang araw ng masang Pilipino.

Sa wakas, mamumuno na sa ating masa ang isang gaya nila, isang kaibigan at kapatid, isang kapwa --- na alam kung ano ang ibig sabihin ng maging maka-masa.

Noong huling tumindig ako dito sa Quirino Grandstand, kasama ko sina Pangulong Cory Aquino at Cardinal Sin, at napakarami ng nanindigan para sa demokrasya. Nakapiling ko rin kayo, at tayong lahat ay napabilang sa mga tunay na kaibigan ng demokrasya. Kaya papaano masasabi na ako raw ay mala-diktador? Noong huli akong tumindig doon sa lumang gusali ng Senado, labindalawa lamang kami.

Nguni't ---

Labindalawa na lumalaban sa mala-higante at makapangyarihang bansa; Labindalawa na lumaban sa pamahalaang patuloy na nagpa-alila sa banyagang kapangyarihan; Labindalawa na lumaban sa public opinion;

Subali't labindalawa na nanindigan para sa kalayaan at dangal ng ating bansa.

Pero mayroon pa ring nangahas na pagdudahan ang ating prinsipyo!

Marahil, ninais kong tapusin sa lalong madaling panahon, ang ilang isyu na matagal nang bumubulabog sa bayan.

Bakit? Upang wakasan na ang lahat ng bagay na dapat nating ilibing sa limot ng kasaysayan.

Sa aking pagmamadali, maaring hindi ko na inisip, na kailangan pang lumipas ang mahaba-habang panahon upang maghilom ang sugat ng ilan, at ang sugat ng bayan.

Tanong ko ngayon: mayroon pa ba kayang sinaktan at nilait nang higit pa sa akin? Mayroon pa ba kayang binastos sa peryodiko o sa radyo o sa telebisyon ng higit? Huwag na lang ako: kahit ang aking ina ay lubhang nasaktan dahil sa mga insultong ipinukol sa kanyang anak.

Ako ay tao lamang, at hindi po madaling magsabi --- forgive and forget, kalimutan na lang. Nguni't kailangan kong tapusin ang yugtong ito; at sa akin ay tapos na, nasa likod na natin, at hindi na dapat pag-usapan.

Pagkat dapat lamang na ako ay makisama sa lahat ng ating mamamayan, kasangga man o katunggali, kaibigan o kalaban.

Bakit? Sapagka't iisa lamang ang ating bayan, iisa lang ang ating landas, at kung hindi tayo magsasama-sama sa isang tunay na bukluran, kanino pa kaya, at kailan pa, kundi ngayon?

Ngayon na --- sapagka't ang hinaharap ng bansang Pilipino ay lubhang mabigat, lubhang malalim. Ang regional currency crisis ay paghamon hindi lang sa ating mga bangko o mga negosyante, kundi sa bawa't pangkaraniwang mamamayan.

Kaya sasabihin ko sa inyo ngayon, at sa buong mundo: Hindi tayo nag-aalinlangan, at hindi tayo nakakalimot.

If I have seemed impatient, it was because you and I wanted peace, and only peace. We must put yesterday behind us, so that we can work for a better tomorrow. I do not say: let us forget the past. No, I don't. But I ask that we should not let the past get in the way of a future that requires cooperation to achieve peace and prosperity for the least of us.

Matagal nang naghihintay ang lahat para sa isang bagong umaga. Heto na, ngayon na, ang panahon ng masang Pilipino.

Panahon na upang mapabilis ang pag-angat sa kabuhayan ng masang Pilipino.

Panahon na upang magkaroon ng lalong malaking bahagi, sa yaman ng ating bansa, ang masang Pilipino.

Panahon na upang sabihin: isang daang taon pagkatapos ng Kawit, limampung taon pagkatapos na kilalanin ang ating kasarinlan sa panahon ni Presidente Roxas, pitong taon pagkatapos tayong tumalikod sa foreign bases, eto na, narito na, araw na natin ngayon.

Alam nating hindi ito madaling gawin. Malubha ang lagay ng ekonomiya. Dapat lamang pagtuunan ng matagalang pansin ang pagsasa-ayos sa pambansang kabuhayan.

May mga nagsasabi: hindi raw maaaring madaliin ang mga gawaing ito. Unahin daw muna ang ekonomiya. Wala akong reklamo diyan, pero ang tanong ko: Mayroon pa bang ibang paraan upang mai-angat ang kabuhayan ng mga mamamayan? Hindi ba puwedeng sabay-sabay? Bakit ang masa ang laging huli at laging nalalamangan, kapag ang pinag-uusapan ay ang kaunlaran ng ekonomiya?

Noong tinatalakay ang mga reporma na ikabubuti ng mga negosyante, halos wala tayong narinig na nagreklamo sa kanila, na masyadong mabilis at malupit ang mga pagbabago. Gayunpaman, hindi ba pawang katotohanan lamang na ang pangkaraniwang mamamayan ang pumasan sa malulupit na epekto ng liberalization at globalization?

Gustuhin natin o dili, ang hamon ng kompetisyon ay kailangan nating tugunan. Ituturing natin itong pagkakataon, nguni't kailangang palakasin ang pambansang ekonomiya at palawakin ang pakinabang ng nakararami.

Sa anim na taon ng pamamahala ni Pangulong Cory Aquino, naitatag ang pundasyon upang muling lumakas ang ating ekonomiya. Sa pangangasiwa ni Pangulong Ramos, nagsimulang magluwal ng dibidendo ang ekonomiya para sa malalaking negosyante.

Ngayon naman, ang maliliit ay dapat makinabang sa ating pagsisikap. Sana, sila rin. Sana, sila naman ay maka-bahagi.

Progress must not be measured by the number of vacation houses of the rich.

Huwag naman sanang masamain, ng ilan sa ating mga mayayaman ang mensaheng ito. Mula't sapul, sila ang nakinabang --- at hanggang sa ngayon ay makikinabang pa rin, sapagka't gagawin natin ang lahat upang maibalik ang katahimikan sa ating bayan, ang katahimikan na kailangan upang umunlad ang ating kalakalan.

Kaya sa ating mga maliliit at mahihirap, narito ang pangako ni Erap: kayo ang unang makikibahagi sa biyaya mula sa ekonomiya, at mula sa pamahalaan.

Sa abot ng aking makakaya, bibigyan natin ang masa ng disenteng tahanan, sapat na pagkain, at pag-asa sa hinaharap. Pag-aaralin natin ang kanilang mga anak, at aalagaan natin ang kanilang kalusugan. Sa kanilang mga pamilya, ihahandog natin ang katahimikan, hanapbuhay at dangal sa araw-araw.

Sa kasawiang palad, dumating ang panahon ng masang Pilipino habang ang ekonomiya ng buong Asya ay bumabagsak. Wala tayong magagawa. Kailangan nating maghigpit ng sinturon, at ipagpaliban muna ang sapat at maagang gantimpala sa ating pagsisikap.

Sa aking mga kababayan, ito ang aking masasabi: sa inyong pagsasakripisyo, ako ang mau-una, at ako ang inyong kasama. At sa paglasap sa mga gantimpala ng ating pagsisikap, hindi kayo mahuhuli.

While I ask you to share these sacrifices with me, I will not impose any more on you when it comes to meeting my duties and responsibilities as president. It is my job now, and I will do it.

Walang dahilan upang lumaganap ang krimen sa ating lipunan; mangyayari lang ito kung ang gobyerno mismo ay kumukupkop sa mga kriminal. Walang organisasyon o gawaing kriminal na kayang lumaban sa pamahalaan, kung ang pamahalaan ay tapat sa pagnanasang durugin ang kriminalidad.

We know that the major crimes in this country are committed by hoodlums in uniforms. We know they are protected by hoodlums in barong tagalog, and acquitted by hoodlums in robes. We know that the most damaging crimes against society are not those of petty thieves in rags, but those of economic saboteurs in business suits; the dishonest stockbrokers, the wheeling-dealing businessmen, influence-peddlers, price-padders and other crooks in government.

Ipinangangako ko ngayon: gagamitin natin ang buong kapangyarihan ng pamahalaan upang labanan ang krimen --- maliit man o malaki. Walang makalulusot. Walang itatangi. I will use all the powers of government to stamp out crime, big and smal.

There will be no excuses, and there will be no exceptions. I have sent friends to jail before, and I can send them again.

No government is so powerless that it cannot protect its citizens, especially when they are victimized by government agents.

No government is so helpless that it cannot prosecute criminals, especially when the officials are criminals operating in the open.

Hindi makatarungan na sa isang bansang karamihan ay nagugutom at walang hanapbuhay, ang kaban ng bayan ay winawaldas at ninanakaw. Ang likas-yaman ay pinaghahati-hatian ng malalakas sa gobyerno.

So let me tell you today: There are things that a real government, even in the worst economic conditions, can do.

This government will do it.

Kaya nating sugpuin ang lumalaganap na krimen. Ginawa ko ang magagawa ko noong ako ang tagapangulo ng PACC. Gagawin ko ngayon ang lahat, ngayong Pangulo na ako. At walang sinumang makapipigil sa akin.

What I did in PACC, I will now do, and more, as President of the Philippines. And when I succeed this time, nobody, nobody, nobody can clip my powers!

Kaya pa rin ng pamahalaan ang magbigay ng mahahalagang serbisyo: mga lansangan, mga paaralan, mga health centers, sapat na bilang ng mga pulis at sandatahang lakas na sadyang katahimikan ang likha at alaga. Gagawin natin ito. Magagawa ng gobyerno ang lahat ng ito, huwag lamang saksakan ng nakawan at pork barrel.

Hindi mapapakain ng pamunuan ang lahat ng mga nagugutom sa ating bansa. Pero uusigin natin ang sinumang kukupit sa pondo na nakalaan sa pagbili ng pagkain.

Hindi kaya ng gobyerno na pagbigyan ang lahat ng mga lugar na nangangailangan ng kalsadang konkreto at aspaltado. Pero hindi natin palalampasin ang sinumang magnanakaw ng perang nakalaan sa paglikha ng mga tulay at kalsada.

Hindi kaya ng pamahalaan na agad pabalikin ang milyun-milyong overseas contract workers, at bigyan sila ng hanap-buhay sa ating bayan. 'Ramdam natin ang kalungkutan at pighating dala ng paghihiwalay, subali't pangako natin sa kanila na 'di pababayaan ang pamilya at mga anak nila rito. At lalong 'di natin kaliligtaan ang kapakanan nila sa ibang bansa.

Hindi kayang bigyan ng sapat na edukasyon ang lahat ng mga kabataang Pilipino, tulad nang itinadhana ng Saligang-Batas. Pero hindi natin palalampasin ang sinumang magwawaldas sa pondong nakalaan para sa mga libro at paaralan.

I appeal to the coming Congress to search its conscience for a way to stand behind me, rather than against me, on the pork barrel issue. I appeal to every legislator: Let us find a way to convert pork into tuition subsidies in both public and private schools. Let us use it to better the lives of our people, rather than to improve our chances of re-election.

There are crimes that I will make my personal apostolate to punish:

--- low crimes in the streets, by rich and poor alike;

--- high crimes on Ayala Avenue and Binondo;

--- graft and corruption throughout the government, whether in the executive, the legislative or the judiciary.

Ngayon pa lamang, ang mga kamag-anak ko ay nilalapitan na ng kung sinu-sino. Kung anu-anong deal at kickback ang ipinangangako.

Binabalaan ko sila: ang kanilang inilalapit ay ebidensiyang gagamitin ko sa pag-usig sa kanila, kapag itinuloy nila ang kanilang maruming balakin. Tandaan nila ito. Lalong mabuti, maghanda sila. Huwag nila akong subukan!

Sa aking administrasyon, walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak.

Hindi naman napakabigat ng mga ipinangako ko. Simple lang ang aking hinahangad. At simple rin ang ating hinahangad, subali't pagkatagal-tagal nang hindi natutupad. Nais kong maihatid ang kapayapaan sa ating buhay, at katiwasayan sa ating lipunan.

Nais kong isa-ayos ang gulo sa ating mga lansangan, at itatag ang katarungan sa ating mga institusyon.

Nais kong bigyan ng bagong lakas ang ating ekonomiya, at patas na pagsasabahagi ng mga bunga nito.

Nais kong isipin ng bawa't Pilipino, mahirap man o mayaman, na ang pinakaligtas na lugar sa buong mundo, ay ang kanyang lupang tinubuan.

I want every Filipino, rich or poor, to feel, that the safest place in the world for him, is his own country.

At sa dakong huli, umaasa akong mapagsasama-sama ko ang lahat ng mga Pilipino, upang matamo nila ang kapangyarihan na buhat sa nagkakaisang hangarin. Sa ganitong pagkakaisa, maiiwasan natin ang krisis sa ating rehiyon, at makakamit natin ang pangarap ng ating sentenyal.

Kalayaan.

Kalayaan sa isang mapang-aping kahirapan.

Isang bayang ligtas sa takot, at ang lahat ay pantay-pantay sa pagkakataon.

Nasa diwa at puso ng bawa't Pilipino ang kalayaan. Sa bansang ito, isang daang taon na ang nakararaan, nasulyapan sa Asya ang unang liwanag ng kalayaan.

Samahan ninyo si Erap, upang bigyan natin ng kakaibang ningning ang kalayaan sa buhay ng masang Pilipino.

Nitong huling labindalawang taon, malimit tayong nanawagan sa kapangyarihan ng sambayanan, sa people power, alang-alang sa demokrasya, at sa kaunlaran, at sa iba't ibang bagay.

Ngayon, ang kapangyarihan ay nasa kamay na ng bayan. Wala nang dahilan upang ipagkait pa sa nakararami at sa maliliit --- ang magandang kinabukasan.

Sa wakas, bayan ko, atin na ang tagumpay. Isa sa inyo ang ngayon ay Pangulo na.

Ito na ang hinihintay na bagong umaga. Narito na ang ating panahon.

Walang tutulong sa Pilipino, kundi kapwa Pilipino.

Maraming salamat po.

1 comment:

Blogger said...

eToro is the ultimate forex broker for novice and pro traders.

Popular Posts